Pen Medina, na-bash sa paghingi ng tulong!

Pen Medina, na-bash sa paghingi ng tulong!

July 19, 2022 @ 8:03 AM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Sa halip na makakuha ng simpatya o pang-unawa ay bina-bash pa si Pen Medina at ang pamilya nito sa paghingi ng tulong pinansyal.

Mismong ang anak ng beteranong aktor na si Alex ang nag-post sa social media ng panawagan para sa ama na nakaiskedyul na operahan ngayong July 19.

Nasuring may degenerative disease ito sa gulugod, dahilan para hindi ito makaupo at makalakad.

May tatlong linggo na rin itong nasa ospital.

Dahil dito’y nananawagan ng tulong ang pamilya ni Pen.

May dalawang taon na rin daw kasing walang trabaho si Pen sanhi ng pandemya.

Sa kabila ng kinakaharap na problema’y umani pa ng batikos ang aktor.

Nakapagtataka raw na wala itong naipon gayong napakatagal na nitong artista.

Inungkat pa ng ilang netizen ang paghingi noon ng isang anak na si Ping ng pam-birthday.

May mga netizen namang nagtanggol kay Ping. Huwag na raw manlait ang iba kung wala naman daw silang maitutulong.

Samantala, ayon sa isang anak ni Pen na si Kathleen, matatagalan daw bago makabalik sa trabaho ang ama.

Pero ang gusto raw balikan ni Pen ay ang first love nitong pagpipinta. Ronnie Carrasco III