Pensyon ng ilang GSIS pensioners, sinuspinde muna

Pensyon ng ilang GSIS pensioners, sinuspinde muna

July 4, 2018 @ 4:05 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ang pensiyon ng ilang mga GSIS pensioners na hindi nagpakita sa Annual Pensioners Information Revalidation o APIR na nag-deadline nitong Hunyo 30, 2018.

Aabot na kasi sa 300,000 pensioners ang tumatanggap ng pension sa GSIS nang hindi sigurado kung buhay pa ang mga ito kaya muling ipinatupad ang Annual Pensioner Information Revalidation o APIR  na natigil noong 2011.

Ayon kay GSIS President and Gen. Manager Jesus Clint Aranas sa ginanap na forum sa Kapihan sa Manila Bay, 54% na lang sa 300 libong pensioners ang nagpakita sa GSIS.

Nilinaw rin ni Aranas na may personal silang pag-revalidate para sa mga disabled at nasa abroad.

Ayon pa kay Aranas, personal na pupuntahan ng kanilang doktor ang mga pensioner na disabled basta tawagan lang sila habang ang mga nasa abroad naman ay kailangan lang silang kontakin gamit ang Skype.

Sa oras aniya na mahinto ang pension ng mga pensioner ay hindi dapat mag-alala at magpakita lang sa kahit saang opisina ng GSIS para maibalik ang buong pensiyon na hindi naibigay ng ahensya.

Giit nito hindi panggigipit ang kanilang ginagawa kundi pagpoprotekta sa pondo ng bayan nang hindi napupunta sa mga Ghost Pensioners. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)