Pera ng gobyerno alamin kung ginamit sa luho ni PBBM – Makabayan Bloc

Pera ng gobyerno alamin kung ginamit sa luho ni PBBM – Makabayan Bloc

October 3, 2022 @ 1:39 PM 6 months ago


MANILA, Philippines – Dapat ilantad ng Malacanang kung saang pondo nanggaling ang magarbong pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos sa Singapore.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro dapat na alamin ng publiko mula sa Malacanang at Armed Forces of the Philippines (AFP) kung ginamit ba ni Pangulong Marcos ang G280 Gulfstream Command and Control aircraft sa pagtungo sa Singapore para manood ng Grand Prix event.

Aniya, matinding latay sa mga nagugutom na Pilipino ang maluhong byahe na nagpapakita lamang ng kawalang pakialam nito.

Para naman kay Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas hindi nararapat ang ginawang byahe ni Pangulong Marcos, aniya nagpakita lamang ito ng kawalang simpatya niya kahit ang bansa ay nahagupit ng bagyong Karding.

“Mabuti pa si Pangulong Marcos may budget para sa VIP access sa F1 Grand Prix kasama pa ang pamilya, samantalang ang mga Pilipino halos wala ng makain,” giit pa nito.

Giit ni Brosas ang maluhong pamumuhay ni Pangulong Marcos Jr. ang isa sa maraming dahilan kung bakit kritikal ang kanilang hanay sa pagkakaroon ng napakalaking confidential at intelligence funds ng Office of the President sa ilalim ng 2023 national budget na nasa P4.5-bilyon.

Ang Office of the President ay humihingi ng P9-bilyon budget at sa nasabing halaga ay P4.5-bilyon ang para sa confidential and intelligence funds, ang nasabing pondo ay halos kapareho sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte subalit malayo naman sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino na nasa P500-milyon lamang.

Bukod sa confidential at intelligence funds ay nasa P893.97 million pa ang budget ng OP para sa local at foreign missions at state visits para sa susunud na taon. Gail Mendoza