Pera ng taumbayan sayang lang sa ROTC – student leaders

Pera ng taumbayan sayang lang sa ROTC – student leaders

October 26, 2022 @ 4:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagtutol ang iba’t ibang student leaders mula sa mga unibersidad sa Pilipinas nitong Miyerkules, Oktubre 26 laban sa planong pagbabalik sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga paaralan.

Ayon kay Benhur Queqquegan, vice president ng Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines, ang ROTC ay magiging pabigat lamang sa gastusin ng mga estudyante at pagwawaldas ng pera ng taumbayan.

“Ang mandatory ROTC na ito ay magdadagdag lang ng mga gastos sa mga estudyante at magulang. Mula sa gastos para sa inaasahang uniporme, gears, pagkain, pamasahe at ultimo nga iyon dagdag-tuition fee at school fees,” anang student leader kasabay ng pulong balitaan.

“Higit pa rito, talagang tinututulan natin ang mandatory ROTC dahil sasayangin lamang nito ang pondo ng bayan,” dagdag pa niya.

Katulad din nito ang sentimyento ni Joshua Philip Contado mula sa University of Santo Tomas (UST) Central Student Council na tila nakalimutan na umano ang kaso ni Mark Welson Chua na di-umano ay napatay ng isang opisyal ng ROTC nang ilantad nito ang korupsiyon sa programa.

“Iyong exposition na ginawa ni Mark Welson Chua showed us the culture of violence and corruption of this program. And we must never forget that,” pahayag naman ni Contado.

Sa halip na ROTC, dapat ay bigyang prayoridad muna ng pamahalaan ang pasilidad ng mga paaralan at ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes.

Samantala, nais naman ni TJ Alcantara mula sa Ateneo de Manila University, na palakasin na lamang ang National Service Training Program.

Nagbabalak ang grupo ng mga kabataan na magsagawa pa ng mga usapin laban sa ROTC sa pamamagitan ng kanilang “No to Mandatory ROTC Network.”

Matatandaan na sa kauna-unahang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Hulyo ay sinabi niya na isa ang pagbabalik ng ROTC sa kanyang isasama sa mga gagawin sa administrasyong kasalukuyan. RNT/JGC