PERA-PERA SA TRAFFIC LIGHT AT ‘YANG BUWISIT NA NCAP

PERA-PERA SA TRAFFIC LIGHT AT ‘YANG BUWISIT NA NCAP

January 27, 2023 @ 10:55 AM 2 months ago


KASALUKUYANG dinirinig sa Supreme Court ang problema sa Non-Contact Apprehension Policy.
Kabilang sa mga pangunahing pinagtatalunan ang mga ligal na usapin dito gaya ng paninindigang ang kasalanan ni Pedro, kasalanan din ni Juan.

Ibig sabihin, kung lumabag sa batas-trapiko si Juan na tsuper, lumabag na rin si Pedro na rehistradong may-ari ng sasakyan at sila o kumporme sa kanila ang magbabayad ng multa.
Pero meron ding ibang mga usapin na napakahalaga.

Kahit saan sa Metro Manila, maraming depektibong traffic light at kasama rito ang sobrang bilis na pagpapalit ng traffic light mula green na go sa red na stop at doon na nagkakahulihan sa NCAP.

Binibilang natin ang palitan ng green at red light, wala pang tatlong segundo.

Paano kang hindi makalalabag n’yan?

Por dios por santo, napakamamahal pa naman ang mga multa.

Kaya sumpa at disgrasya sa mga motorista ang NCAP at kung may grasya man dito, swak lang sa bulsa ng Local Governement Unit at Metro Manila Development Authority at mga kakontrata nilang mga traffic system provider.

‘Di ba daan-daang milyon o bilyong piso ang kontrata sa pagtatatag ng NCAP kaya hinahabol nila ang pagbabalik ng puhunan nila, kasama na ang kita nilang ligal at korapsyon, kung meron man!

Isa pa, sinasabi nilang pwedeng umapela ang mga motorista, pero pipilitin kang magbayad muna ng multa.

Sa kalagayang ito, mga brad, kailangan mo ang abogado para gumawa ng tamang anyo at laman ng papeles para sa kaso.

Eh magkano ang acceptance fee ng abogado at kailan matatapos ang kaso na sa bawat pagdinig o hearing? Eh, minimum na P3,000 hanggang P5,000 ang ibibigay sa abogado.

Halimbawang mananalo ang motorista, ilang taon ang aabutin ng kaso sa mga apela hanggang magkaroon ang SC ng desisyon dito na may malaki pa ring gastos sa abogado?

Motorista, kawawang tunay sa NCAP.