Percy Lapid case nalutas na, pero imbestigasyon, gumugulong pa rin – pulis

Percy Lapid case nalutas na, pero imbestigasyon, gumugulong pa rin – pulis

October 23, 2022 @ 1:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng pulis na nag-iimbestiga sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid nitong Linggo na naresolba na ang kaso dahil nakilala na ang mga suspek at naaresto.

Sinabi ni Southern Police District (SPD) director Police Brigadier General Kirby John Kraft na sa kabila nito, tuloy pa rin ang imbestigasyon sa pamamaril kay Lapid sa Las Piñas City noong Oktubre 3.

“Actually, nalutas na po natin ito dahil meron na tayong na-identify na mga suspek at meron na rin tayong nasa kustodiya natin, at higit sa lahat, na-file na natin ang kaso. Ito nga lang po, tinutuloy-tuloy pa rin natin ang imbestigasyon nito,” pahayag niya.

“Pero as far as we are concerned, ito po ay nalutas na natin itong kaso na ito,” dagdag ng opisyal.

Sinabi ni Kraftna kasama sa imbestigasyon nila ang pagbusisi sa radio program ni Lapid mula 2021 hanggang 2022.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa ama ng umano’y unang middleman sa planong pagkitil kayl Lapid, na nasawi sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) dahil sa heart hemorrhage.

Kinilala ang middleman na si Cristito Villamor Palaña, na pinangalanan ng self-confessed gunman na si Joel Escorial sa kontratang pagpatay sa broadcaster.

“Sa panahong ito, bilang imbestigador, nakatutok pa rin tayo doon sa sinasabi ng ating gunman. ‘Yun pa rin po ‘yung tinututukan natin para malaman natin kung sino talaga,” ani Kraft.

Kasalukuyang binabantayan ng Bureau of Jail Management and Penology ang umanoy ikalawang middleman na kinilalang si Christopher Bacoto.

Si Lapid ang host ng online broadcast program “Percy Lapid Fire” sa DWBL 1242 at kolumnista para sa Hataw.

Sumuko si Joel Escorial, ang self-confessed gunman, sa mga pulis nitong Martes. Pinangalanan niya ang kanyang mga kasabwat na sina Israel Dimaculangan, Edmund Dimaculangan, at isang Orlando. Inilahad ni Escorial na nagmula sa loob ng NBP ang utos na ipapatay si Lapid.

Naghain na ng kasong murder laban kay Escorial at tatlong itinuturong kasabwat niya, ayon sa pulis nitong Miyerkules. RNT/SA