‘Periodic breaks’ ni PBBM dapat ianunsyo – Pimentel

‘Periodic breaks’ ni PBBM dapat ianunsyo – Pimentel

October 3, 2022 @ 2:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na dapat ay ianunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa publiko ang mga “periodic breaks” nito o mga byahe sa ibang bansa.

Ito ang sinabi ni Pimentel nitong Lunes, Oktubre 3 matapos kumpirmahin ng Malakanyang na produktibo ang naging pagbisita ni Marcos sa Singapore upang makaharap si Singaporean Minister for Manpower Tan See Ling kasabay ng panonood rin ng F1 Grand Prix race.

Ani Pimentel, maaari naman na magawa ng Pangulo ang “periodic breaks” ngunit dapat malaman ito ng publiko.

“Ang masasabi ko na lang siguro ay tao naman tayong lahat. Even ang US president, sometimes meron po siyang mga break. Ganyan na lang din po ang attitude natin sa ating mga leaders: Bigyan natin ng mga periodic break. Pero sana — kung United States ’yung ating pina-pattern, ina-announce nila du’n — i-announce sana, hindi ‘yung nalaman na lang natin tapos nagtatanong tayo pwede niyo bang i-confirm at saka i-confirm,” anang Senador sa panayam ng Teleradyo.

Dagdag pa niya, maaari rin makapagpahinga ang Pangulo o sino man na lider ng bansa lalo na at tuloy-tuloy ang magiging trabaho nito sa susunod na anim na taon.

“Kasi kapag presidente ka na, anim na taon kang presidente, 24 hours a day ka, pwede ka namang magpahinga. Ipaalam lang sa taumbayan kung ano ‘yung mga plano mo, ng ating presidente, kung kanino charge,” sinabi ni Pimentel.

Matatandaan na inulan ng kritisismo sa social media ang pagbisita ni Marcos sa Singapore na sumakto pa ilang araw matapos na manalasa at puminsala ang bagyong Karding sa maraming bahagi ng bansa. RNT/JGC