PERSONAL NA AWAY: Estrada, Ejercito, ‘di nagtabi’ sa legacy wall ng Senado

PERSONAL NA AWAY: Estrada, Ejercito, ‘di nagtabi’ sa legacy wall ng Senado

October 10, 2022 @ 7:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tila naipagpatuloy nina Senador Jinggoy Estrada at Joseph Victor Ejercito ang kanilang personal na away sa legacy wall sa Senado dahil makikitang hindi sila nagtabi kahit “alphabetical” ang pagkakasusunod-sunod ng litrato.

Makikita sa legacy wall ng Senado ang mga litrato ng kasalukuyang miyembro ng 19th Congress nakalagay sa “alphabetical order.”

Ngunit mapapansin ang magkapatid sa amang sina Estrada at Ejercito na pinagitnaan sina Senador Sherwin “Win” Gatchalian at Christopher Lawrence “Bong” Go.

Kapwa sila anak ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada sa magkaibang ina.

Dahil alphabetical order, nanguna sa hanay ng litrato sa kaliwanag bahagi si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na sinundan nina Senador Nancy Binay, magkapatid na Alan Peter at Pia Cayetano; Ronald Dela Rosa, Francis “Chiz” Escudero, Estrada, Gatchalian, Go, Ejercito, at Mark Villar.

Nasa gitna ng kalahatan sina Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva. Katabi nila sina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.

Nasa kanang bahagi naman ng legacy wall sina Senador Risa Hontiveros at sinundan nina Senador Lito Lapid, Imee Marcos, Robin Padilla, Grace Poe, Ramon Revilla Jr., Francis Tolentino. Raffy Tulfo at Cynthia Villar.

Ipinaliwanag naman ng isang staff ng Public Relation and Information Bureau na kaya nakatabi si Ejercito kasama si Villar sa liderato ng Senado dahil kapwa sila deputy majority leader katulad ni Pimentel na minority leader.

Sa ginanap na maikling seremonya, nagpasalamat si Zubiri sa pagdalo ng dating senador na sina former Senate President Franklin Drilon at Sen. Francisco “Kit” Tatad.

Bukod kina Zubiri at Legarda, dumalo din sa pagtitipon sina Gatchalian, Ejercito, Revilla, Tolentino, Villanueva, Go, Tulfo at Padilla.

May sukat na 19.97 meter x 3.13 metro ang mural na nakalagay sa ikalawang palapag ng Senado na bahagi ng isang buwang selebrasyon ng 106th Anniversary ng Senado.

“It is more than a legacy, the wall stands as a testament to the fine institution itself. I just want to say that this wall reminds us that we must build on the rich legacy of the Senate and all the accomplishment of the legislators who have come before us and have paved the way forward for the country through their landmark legislation…. This wall also celebrates the power of the people, people who chose us to work for them and to advocate for them in these halls,” ayon kay Zubiri. Ernie Reyes