Persons of interest sa pananambang sa Aparri vice mayor, tukoy na – Azurin

Persons of interest sa pananambang sa Aparri vice mayor, tukoy na – Azurin

February 27, 2023 @ 5:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang ilang persons of interest sa pananambang-patay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at lima iba pa sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

“Yung sa case naman ng vice mayor natin sa Aparri, we have persons of interest that are being pursued by our investigators,”
ani PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes, Pebrero 27.

Si Alameda at limang kasama nito ay napatay nang tambangan ang sinasakyan nilang van sa nasabing probinsya noong Pebrero 19.

Kinilala ang mga nasawing kasamahan ni Alameda na sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay.

Patungo sanang Manila ang mga biktima sakay ng itim na Starex van nang harangin at pagbabarilin ng mga suspek.

Isang araw makalipas nito, natagpuang sunog na ang getaway vehicle na ginamit ng mga suspek sa pang-aambush.

Ayon sa PNP, natukoy na nila ang may-ari ng getaway vehicle ngunit patuloy pa ring tinutunton ang iba pang mga may-ari ng nasabing sasakyan o car history nito. RNT/JGC