Persons of interest sa sumabog na bus sa Sultan Kudarat, binabantayan

Persons of interest sa sumabog na bus sa Sultan Kudarat, binabantayan

November 7, 2022 @ 12:40 PM 4 weeks ago


TACURONG CITY- Mahigpit na binabantayan ngayon ng mga pulis ang persons of interest sa pagpapasabog ng pampasaherong bus na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng 11 pa kahapon sa lungsod na ito.

“May tinitingnan na tayong mga person of interest. Pero pababayaan muna natin sir na makumpleto ang pagkakalap ng mga ebidensiya at mga statement lalo na ang mga pagkuha natin ng physical evidence para makita po natin, ma-compare natin sa mga nagdaang pangyayari dito sa Tacurong,” ayon kay Police Colonel Rogelio Raymundo Jr., deputy regional director for operation ng Police Regional Office-XII (PRO-12), nitong Lunes.

Kinilala ang nasawi na si Gilbert Barbosa Panes, 56-anyos, taga-Kidapawan City habang nilapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na sina Erlinda Estiban Pama, 47, Tulunan, North Cotabato; Braulio Boston 39, Mlang, North Cotabato; Delia Della, 64; Nancy Nietes, 41; Bea Posia, 21, Makilala, NoCot; Rex Rezenelde, 29, Makilala, NoCot; Emmanuel Latayada, 22; Nietes, 1-anyos; Zezuel Ojorio, 26, NoCot; Jobers Rweka, 25, North Cotabato at Esmael Daomilang, 59 anyos.

Ayon kay Raymundo Jr., bandang alas-11:30 ng umaga naganap ang pagsabog sa Purok Duranta, Barangay Poblacion, Tacurong City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng isa sa mga bus ng Yellow Bus Lines Incorporated na may body number 2588 ang 29 na pasahero galing Kidapawan City patungong General Santos.

Papasok na sana ang bus sa Public Terminal ng nasabing lugar ng bigla na lamang sumabog ang improvised explosive device (IED).

Nagtamo na matinding pinsala sa katawan si Panes na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang isinugod naman sa ospital ang mga sugatan para lapatan ng lunas.

Sinabi ni Raymundo Jr., na may tinitingnan na silang persons of interest at kinukumpleto na lamang nila ang mga ebidensiya lalo na ang physical evidence at mga pahayag para malaman kung magkakatugma.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng pagsabog nakapulot sila ng dalawang IED na ang isa ay sumabog habang ang isa ay agad na-diffuse na nakalagay sa isang maliit na lalagyan at naka-analog cellphone ang trigger nito.

Hinala ng mga awtoridad maaaring pangingikil ang motibo sa pagpapasabog. Mary Anne Sapico