Manila, Philippines – Hiniling ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal na gamitin ang 25 porsyentong threshold sa paglutas ng election protest na isinampa ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kanyang urgent ex-parte omnibus motion, hinirit ni Robredo sa PET na atasan ang head revisors na ihiwalay sa pagbilang ang mga balotang nagtataglay ng mas mababa sa 50-percent ngunit sakop ng 25-percent at huwag ikonsiderang stray ballots habang hindi pa nadedesisyunan ng PET ang nakabinbin niyang urgent motion for reconsideration na may petsang April 18, 2018.
Ang mosyon ay inihain ni Robredo matapos na kumpirmahin ng Commission on Elections (Comelec) na ang 25-percent threshold ay ginamit ng vote counting machines sa ginanap na halalan noong 2016.
Kasama rin sa hinirit ng kampo ni Robredo na atasan ang Head Revisors na bilangin ang mga balotang saklaw ng threshold issues.
Sinabi ng bise presidente na hindi naman ito makasasagabal sa proseso ng manual counting kundi makatitiyak din ang publiko na walang mababalewalang boto. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)