Pet vaccination program, palakasin – solon

Pet vaccination program, palakasin – solon

March 6, 2023 @ 8:52 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinimok ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang pamahalaan na palakasin ang kampanya hinggil sa pagpapabakuna ng anti-rabies sa mga aso kasunod ng pagtaas ng human rabies deaths.

“We need more aggressive pet vaccination programs. We also have to improve treatment access to stem a bigger surge in human rabies deaths in the years ahead,” pahayag ni Rillo kung saan tinukoy nito ang datos ng Department of Health na isang katao ang namamatay kada araw dahil sa rabies.

Sa datos ng DOH ay nakapagtala ng 370 human rabies deaths noong 2022, mas mataas ng 30% mula sa 284 kaso noong 2021.

Ang Pilipinas ay may pinakamataas na dog ownership rate sa Asya kung saan 67 percent ng mga kabahayan ang may alagang aso.

Sinabi ni Rillo na kung titingnan ang datos mula sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) noong 2022 ay nasa 79,925 pasyente ang nakakuha ng Animal Bite Treatment Package (ABTP), na mas mataas ng 40% kumpara sa 57,420 claims noong 2021.

Si Rillo ay una nang naghain ng House Resolution (HR) No. 462 na nanawagan ng isang congressional inquiry hinggil sa bigong National Rabies Prevention and Control Program na ang target ay maalis ang human rabies sa Pilipinas pagdating ng 2020. Gail Mendoza