Petisyon laban sa Sinovac ibinasura ng Supreme Court

Petisyon laban sa Sinovac ibinasura ng Supreme Court

July 13, 2021 @ 6:42 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Ibinasura ng Supreme Court ang kahilingan na itigil ng pamahalaan ang pagbili at paggamit ng Sinovac vaccine laban sa coronavirus disease-19 o COVID-19.

Sa unanimous vote ng mga Hukom, sinabi ng SC na walang anomang kwestiyon sa batas ang naiharap na pag-uusapan.

Nag-ugat ang kaso sa kahilingan sa SC ni dating Boac, Marinduque Mayor Pedrito Nepomuceno na patigilin ang Department of Health at Food and Drugs Administration sa pagbili at paggamit ng Sinovac vaccine nang walang isinasagawang clinical trial lalo’t kaduda-duda umano ang bisa ng nasabing bakuna.

Sa pagdismis sa kaso, sinabi ng SC na binigyan ang Pangulo ng bansa ng kapangyarihan na tumugon sa pandemyang dulot ng COVID-19 ng Republic Act No. 11494 or the Bayanihan to Recover as One Act.

Idiniin ng SC na wala itong kapangyarihan na patigilin ang pamahalaan sa pagbili at paggamit ng Sinovac sa kawalan ng patunay na hindi naayon sa nasabing batas ang mga nasabing aksyon ng pamahalaan.

Ipinaliwanag pa ng Hukuman na may kapangyarihan ang mga awtoridad na tumugon sa pandemya batay sa mga panuntunan na inilalabas ng mga kinikilalang awtoridad sa katulad na usapin gaya ng World Health Organization o United States Centers for Disease Control.

May pahintulot umano ang WHO sa paggamit ng Sinovac vaccine sa pagturing dito na isang bakunang pang-emergency use.

Sa Pilipinas, may inilabas na mismo ang FDA na emergency use authorization para sa nasabing bakuna noon pang nakaraang Pebrero kaya hindi kinakailangan ang trial sa paggamit nito.

Sinabi pa ng Hukuman na pinapayagan din ng nasabing batas ang pamahalaan na bumili ng mga bakuna nang hindi kailangan dumaan sa pasubasta dahil sa kalagayang emergency na kinahaharap ng bansa.

Ang mga kakaibang pangyayari katulad ng hindi nakikitang panganib sa kalusugan ng tao ay nangangailangan din ng agaran at karampatang aksyon ng pamahalaan, diin pa ng SC. Fred Cabalbag