Petition for bail target ng kampo ni De Lima sa testimonya ni Ragos

Petition for bail target ng kampo ni De Lima sa testimonya ni Ragos

December 2, 2022 @ 5:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Plano ng kampo ni dating senador Leila de Lima na maghain ng petisyon para makapagpiyansa ito kasunod ng testimonya ni dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos.

“‘Yang petition for bail na ‘yan ay magiging hakbang namin kung saka-sakaling matapos na talaga ang testimonya ni deputy director Ragos,” sinabi ng abogado na si Boni Tacardon.

Nitong Biyernes, Disyembre 2 ay nagpautloy ang pagdinig ng isang natitirang kaso na inihain laban kay De Lima.

Maliban sa dating senador, naroon din si Ragos na dumalo sa pagdinig.

Ayon kay Tacardon, natapos na ng prosekusyon ang serye ng mga katanungan at hiniling na lamang na ipresenta ang video ni Ragos na susuporta sa supplemental affidavit nito.

“Hindi naipakita dahil meron pang motion ‘yung prosecution na i-upo ‘yung videographer para patunayan ‘yung authenticity ng video,” aniya.

Matatandaan na noong Nobyembre ay sinabi ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre na mayroon siyang video na nagpapakitang hindi pinilit si Ragos na gumawa ng affidavit laban kay De Lima.

Sa kabila nito, ani Tacardon, tanging si Ragos lamang ang makapagsasabi kung talagang siya ay pinilit.

“Ang sa amin kasi, no, ang makakapagsabi kung siya ay pinilit o tinakot, o sinuhulan ay ‘yung tao mismo na apektado,” giit pa niya.

Samantala, sinabi naman ni Tacardon na maayos ang lagay ni De Lima at patuloy na lumalaban.

“Ang sabi nga niya paglabas niya, the hearing went well. So that means justification na she’s okay. She’s going through the legal process at handa siyang harapin talaga itong kasong ito.”

Matatandaan na noong 2017 pa ay nakabilanggo na si De Lima sa Camp Crame dahil sa alegasyon sa kanya ng pagkasangkot sa illegal na droga sa New Bilibid Prison.

Ang isa sa tatlong drug charges na inihain laban sa kanya ay binasura na ng Muntinlupa court noong Pebrero 2021. RNT/JGC