PetroGazz kinapos sa Creamline

PetroGazz kinapos sa Creamline

April 6, 2022 @ 8:57 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nagpakita ng tatag ang Creamline Cool Smashers sa makapagil hiningang four-set win kontra sa PetroGazz, 25-16, 23-25, 25-12, 32-30, para makuha ang unang panalo sa best-of-three series sa 2022 Premier Volleyball League Open Conference Finals na ginanap  sa punum-punong Mall of Asia Arena.

Unang kumurap sa malupit na palitan nang paluan ang Angels nang lumabas ang tira ni Seth Rodriguez upang tapusin ang ikaapat na set at nagbigay ng regalo sa Cool Smashers para makuha ang pinaghirapang unang panalo sa serye.

Siniguro ni Jia Morado-de Guzman na sinusundan ng Creamline ang gameplan para maibulsa ng kanilang koponan ang panalo sa harap ng 13,620 na dumalo sa MOA Arena.

Nagbigay-daan iyon sa mga nangungunang spikers ng Cool Smashers na sina Alyssa Valdez at Tots Carlos para ipakita ang lakas ng koponan sa 76 puntos na naitala nilang atake.

Pumalo si Valdez ng 26 puntos mula sa 24 na kills, habang nakakuha din si Carlos ng 26 sa kanyang pangalan mula sa 23 pag-atake at tatlong ace.

Nag-ambag din si Jema Galanza ng 17 markers habang may 13 si Jeanette Panaga sa naging panalo.

Gagawin ang Game Two sa Biyernes sa Ynares Center sa Antipolo.

Nanguna naman sa PetroGazz si MJ Phillips na may 13 puntos mula sa isang game-high na anim na block, habang si Jonah Sabete ay gumawa din ng mga pangunahing laro para sa kanyang 11 puntos.

Umiskor din si Grethcel Soltones ng 12 markers bago lumabas sa laro sa dulo ng set four matapos makaranas injury.

Umalis din si Myla Pablo sa laro sa fourth set dahil din sa injury at nagtapos na may pitong puntos sa naging pagkatalo.Rico Navarro