Pfizer-BioNTech COVID vax 90% epektibo sa edad 5-11- FDA

Pfizer-BioNTech COVID vax 90% epektibo sa edad 5-11- FDA

December 13, 2021 @ 4:12 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Ipinakita ng vaccine manufacturers Pfizer and BioNTech na ang coronavirus disease (COVID-19) vaccine nito ay may overall efficacy na 90.7 porsyento, ayon sa opisyal ng Food and Drug Administration (FDA) nitong Lunes.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni FDA Director-General Eric Domingo na base umano ito sa clinical trial data na isinumite sa kanila ng Pfizer-BioNTech nang mag-apply ito para sa Emergency Use Authorization (EUA).

Ipinaliwanag naman ni Domingo na identical ang active ingredient sa bakunang gagamitin para sa mga bata mula lima hanggang 11 taong gulang sa ginagamit sa mga nasa hustong gulang, subalit iba umano ang formulation at concentration nito at ituturok sa mas mababang doses.

Dagdag pa niya, maaaring gawing two-dose schedule ang naturang bakuna na katulad ng protocol na kasalukuyang sinusunod sa United States, Europe, Canada at Australia.

“Ginagamit po siya as two doses. Ang initial schedule po is three to four weeks apart. Titingnan po ito ng vaccine experts at sila po yung magsasabi sa atin kung ano yung magiging schedule,” ani Domingo.

“Yung data na sinubmit sa atin titingnan po yan ng experts natin para mapili kung ano yung pinakamaganda sa atin na interval kung three weeks or four weeks or eight weeks. Parang katulad nung mga bakuna dati like Astrazeneca nung una pinayagan natin na 4 weeks and then nakita natin na mas maganda kung eight to 12 weeks after,” dagdag niya.

Kaugnay naman ng kaligtasan ng bakuna, nilinaw ni Domingo na sa kasalukuyan ay wala silang naitatalang severe adverse events at karamihan ay mild side effects lamang kagaya ng ibang COVID-19 vaccines. RNT/SA