Pfizer jabs nakababawas ng pagka-ospital vs Omicron variant – pag-aaral

Pfizer jabs nakababawas ng pagka-ospital vs Omicron variant – pag-aaral

December 15, 2021 @ 10:19 AM 9 months ago


JOHANNESBURG — Gumagana ang COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech laban sa Omicron variant, base sa inilabas na resulta ng isang real-world study.

Sa nasabing pag-aaral, lumalabas na nakapagbibigay ang Pfizer jabs ng 70% proteksyon para maiwasan ang maospital sa South Africa sa mga nagdaang linggo, kung saan kasagsagan ng pag-atake ng Omicron.

Ginawa ang pag-aaral ng pinakamalaking health insurance administrator sa South Africa, ang Discovery Health, kung saan nasa 211,000 COVID-19 patients ang kalahok mula Nobyembre 15 hanggang Disyembre 7.

Base sa pag-aanalisa ng Discovery Health clinical research at actuarial teams, sa pakikipagtulungan sa South Africa’s Medical Research Council (SAMRC), lumabas na nakapagbibigay ng 70% protection laban sa pagkakaospital ang Pfizer jabs kumpara sa mga hindi bakunado sa nangyaring surge.

Ang nasabing resulta ay indikasyon na bumaba ang proteksyon nakukuha ng isang indibidwal na naturukan ng Pfizer jab.

Nang mangyari kasi ang Delta variant surge ay nasa 90% ang proteksyong naibibigay ng bakuna iwas sa pagkakaospital sa mga kaso sa South Africa.

Sa kabilang banda, sinabi naman ng Discovery na ‘preliminary’ pa lang naman ang resulta ng nasabing pag-aaral.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Glenda Gray, SAMRC president, na importanteng ikonsidera ang naibibigay na proteksyon ng Pfizer-BioNTech laban sa bagong variant.

“We are extremely encouraged by the results,” aniya pa.

Sa nasabi ring pag-aaral, walang pinipiling edad ang naibibigay na proteksyon gn Pfizer jabs; maging sa kung anomang chronic illnesses tulad ng diabetes, hypertension, hypercholesterolemia, at iba pang cardiovascular diseases. RNT