Pfizer nagsumite ng EUA application para sa COVID vax sa edad 5-11- FDA

Pfizer nagsumite ng EUA application para sa COVID vax sa edad 5-11- FDA

December 12, 2021 @ 11:36 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Nagsumite ang Pfizer noong isang linggo ng aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) ng coronavirus disease (COVID-19) vaccine nito para sa lima hanggang 11 taong gulang, ayon sa Food and Drug Administration (FDA) nitong Linggo.

“Sa ngayon meron tayong application galing sa Pfizer for 5-11 years old. Sinubmit nila ito last week,” pahayag ni FDA Director General Eric Domingo sa dzBB.

“Ito ang ine-evaluate ngayon ng ating vaccine experts,” dagdag niya.

“So may possibility na baka mabigyan ng EUA before the end of the year,” ayon pa kay Domingo.

Sinisilip ng pamahalaan na palawigin ang pediatric vaccination laban sa COVID-19 sa mga edad lima hanggang 11 sa Enero 2022.

Sinabi ng FDA chief na hindi ma umano naghahain ng EUA application ang Moderna sa COVID-19 vaccine nito na gagamitin din para sa naturang age group.

“Sa ngayon wala pa tayong natatanggap na application from Moderna. Hindi pa sila nagbibigay ng clinical trial data nila on children below 12,” sabi ni Domingo.

“Hanggang 12 years old pa lang ang sinubmit nila sa atin. Hindi pa natin mabibigyan ng permit ‘yan for use in children below 11 years old,” patuloy pa niya.

Inaprubahan na ang COVID-19 vaccine ng Pfizer para sa mga lima hanggang 11 taon sa US, Canada, Europe, at Australia.

“‘Yun ang maganda, na nagagamit sa ibang bansa, at makakakita tayo ng real world data outside clinical trial at nakita natin ang safety at efficacy niya,” ani Domingo.

Sa kasalukuyan, makikita sa safety and monitoring data sa ibang bansa na hindi naman nagdudulot ng seryosong side effects ang Pfizer COVID-19 vaccine sa mga bata, ayon kay Domingo.

“Maganda naman. In fact lower dose ang ginagamit sa mga bata dahil siyempre mas maliit 5-11 [years old]… Good, walang nakikita na anything unusual o signal na nakakangamba o nakakatakot. I’m quite confident na once ma-submit nila ang data, masa-satisfy ang mga experts,” giit niya.

Dagdag pa ni Domingo, aalamin pa ng mga eksperto kung ibibigay ang bakuna sa mga bata sa isang dose o dalawa.

“Depende sa appreciation ng experts sa data nila, pero at least one shot,” aniya. RNT/SA