PFPA official sa Kamara: Magna Carta for Health Workers rebyuhin

PFPA official sa Kamara: Magna Carta for Health Workers rebyuhin

September 2, 2022 @ 5:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ng opisyal ng Philippine Federation of Professional Associations (PFPA) nitong Biyernes ang Kamara na busisiin ang Magna Carta for Public Health Workers.

“Dapat po ngayon ay i-ano po, Magna Carta for Health Workers, dapat repasuhin po ‘yan ng Senado at ng ating Kongreso para mabigyang proteksyon pa,” ani Dr. Benito Atienza sa isang public briefing.

Iginiit ni Atienza na nakararanas sa bansa ng “brain drain” sa paglipad ng mga nurse, medical technicians, at physical therapists sa ibang bansa para sa mas mataas na sahod.

Nauna na niyang inihayag na dapat ibigay ang mas mataas na sweldo sa deployed health workers.

“Lalo pa po dapat bigyan ng malaking benepisyo. Lalo na ngayon nag-uumpisa na tayo sa Universal Health Care natin, ‘yung kalusugan para sa lahat, eh kailangan natin maraming doctor at maraming nurses,” aniya.

Samantala, inilahad ni Atienza na ilang health workers ang hindi pa nakaatatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2.

“‘Yung iba hindi pa rin nakakareceive kasi maraming processes doon at ang maraming hindi nakakareceive ay ‘yung nasa private sector na mga doctor, nurses. Kailangan po pag-ibayuhin ang ating kampanya na meron na po ‘yan at sana mapabilis,” aniya.

“Ang sinasabi po natin, dapat ang health sector talaga ang binibigyan ng malaking prayoridad ng gobyerno, lalo…hanggang ngayon nasa ano pa rin tayo ng COVID-19,” dagdag ng opisyal. RNT/SA