PGC: BA.5 COVID wave nararanasan sa Pinas!

PGC: BA.5 COVID wave nararanasan sa Pinas!

August 9, 2022 @ 9:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – “We can probably say that this current wave is really the BA.5 wave dito sa ating bansa.”

Ito ang sinabi ng Philippine Genome Center (PGC) ukol sa pagiging pangunahing kontribyutor ang Omicron subvariant BA.5 sa pagtaas ng COVID-19 na kasalukuyang nararanasan ng bansa.

“If you consolidate data from Visayas, Mindanao, and in Luzon… If you look at this very closely in the past month, ang BA.5 talaga is [really] the most predominant variant that we are sequencing in the Philippines. It’s above 85% ng ating  sequence samples,” paliwanag ni PGC executive director Dr. Cynthia Saloma.

Ang bansa ay nagtala ng average ng higit sa 4,000 mga bagong impeksyon sa nakalipas na ilang araw, dahil kinumpirma din ng mga awtoridad sa kalusugan ang higit pang mga subvariant ng Omicron.

Sa huling update, sinabi ng Department of Health na mayroong  104 karagdagang kaso ng Omicron subvariants, 95 rito ay bagong kaso ng BA.5 .

Mula Davao region ang 67 sa mga ito, 25 mula Soccsksargen, at Isa mula  Northern Mindanao, Caraga, at National Capital Region.

Sinabi naman ni  OCTA Research fellow Guido David na ang kasalukuyang surge ay nakikitang lumalawak sa panahon ng tinatawag na “ber” na mga buwan habang ang ilang mga lugar ay nagtatala ng mataas na positivity rate.

Inaasahan din ng DOH ang peak sa September o October.

Samantala, kinumpirma din ng DOH  ang pagpasok ng  Omicron subvariant BA.2.75. Ang unang dalawang kaso mula Western Visayas ay gumaling na.

Sinabi ng infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvaña sa kaparehong briefing na habang may mga inisyal na pag-aaral na nagsasabing ito ay mas madaling nakahawa, ang publiko ay hindi dapat mag-alala dahil wala pa ring matibay na ebidensya na sumusuporta sa dito.

Ipinunto niya na wala ring patunay na ang BA.2.75 ay nagiging dominanteng subvariant ng Omicron.

Tiniyak ng eksperto na patuloy silang magmomonitor sa sitwasyon habang binanggit na ang COVID-19 vaccines ay mabisa pa rin para maiwasan ang severe disease.

Dagdag pa na ang karaniwang pag-iingat sa kalusugan ay gumagana pa rin sa pag-iwas sa impeksyon.

Sinabi pa ni Salvaña na ang pagtaas ng antas ng alerto, lalo na sa Metro Manila, ay hindi rin maipapayo dahil sa mapapamahalaang antas ng healthcare utilization  at average daily attack rate. Jocelyn Tabangcura-Domenden