PGH COVID-19 wards umapaaw na – ex-NTF adviser

PGH COVID-19 wards umapaaw na – ex-NTF adviser

September 5, 2022 @ 4:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Napupuno na ang COVID-19 ward ng Philippine General Hospital (PGH), ayon sa dating adviser ng National Task Force Against COVID-19 nitong Lunes.

Sa isang public briefing, sinabi ni Dr. Ted Herbosa, dating NTF adviser at incumbent professor ng emergency medicine at trauma surgery sa UP-PGH, na may average na lima hanggang anim na indibidwal ang nagpopositibo sa COVID-19 sa ospital habang umaabot naman ang emergency patients sa 80 hanggang 90 kada araw.

“Napupuno din ‘yung aming COVID ward kasi kinontian na lang namin ‘yung aming COVID ward nu’ng bumaba ang mga kaso. Pero umpisa nang napupuno ito. So initially, may mga isa o dalawang naiiwan,” sabi ni Herbosa.

Sa kabila nito, sinabi ni Herbosa na karamihan sa COVID-19 cases ay hindi malala, partikular na ang mga bakunado laban sa sakit.

“Pero ‘yung mga cases natin, hindi na masyadong serious, lalo na ‘yung mga nabakunahan. ‘Pag sila ay vaccinated, talagang malaki ang effect na mild lang ang kaso nila at nakakauwi agad sila from the hospital,” aniya.

Nanawagan naman si Herbosa sa publiko na magsuot ng face masks at magpaturok ng booster shots laban sa COVID-19.

“Marami kasi nakakita na parang hindi na serious ‘yung Omicron, ayaw na magpa-third dose or magpa-booster dose. Recommended pa rin namin na sana magpa-booster ‘yung hindi pa nagpapa booster, lalo na ‘yung 50 years old and above,” apela niya.

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Linggo ng 2,321 bagong COVID-19 cases, dahilan para umabot na sa 3,891,418 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19  sa Pilipinas. RNT/SA