PH airspace shutdown tatalupan ng Malakanyang

PH airspace shutdown tatalupan ng Malakanyang

January 3, 2023 @ 9:56 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa pansamantalang pagsasara ng Philippine airspace, nitong Linggo.

“A thorough investigation is being conducted by appropriate agencies,” ayon kay Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil.

Nagkaroon kasi ng technical issues dahilan ng pansamantalang pagsasara ng Philippine airspace sa daan-daang flight nitong Linggo, na nakaapekto sa libo-libong pasahero.

Hindi bababa sa 282 flights ang nakansela, na0divert o naantala nitong New Year’s Day dahil sa naitalang technical issue ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC) bandang alas-9:50 ng umaga,

Halos 56,000 pasahero ang apektado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Base sa flight tracker Flightradar24.com, walang flight sa Philippine airspace.

Sa press conference nitong Linggo, inihayag ni CAAP Director General Manuel Tamayo na pumalya ang isa sa uninterruptible power supplies (UPS) nitong Linggo ng umaga, at kinailangang magsagawa ng troubleshooting activities.

Nang mag-reconnect na ang system sa power supply, nagpalabas naman ng abiso bandang tanghali dahil sa over voltage. Nakaapekto naman ito sa very small aperture terminal (VSAT), na kinailangan ding tugunan.

“As what was mentioned, medyo luma na ‘to. Like anything mechanical, electrical, we cannot give you any assurances,” ani Tamayo.

“What we have been doing in CAAP, we budgeted P124 million to do some upgrades on the system and that is due this year, 2023, for procurement… Hopefully this will help extend the life,” dagdag niya.

Sinabi ni Tamayo na madalas na imo-monitor ng CAAP ang system, na araw-araw nang ginagawa, dahil ito umano ang unang pagkakataon na nangyari ang insidente matapos bilihin ang system noong 2018.

Sinabi naman ng Department of Transportation (DOTr) na partially restored na ang sistema hanggang nitong Linggo, alas-4 ng hapon at nagbalik-operasyon na ang flights.

“We really need to have a backup system na sana located in a different location. Hindi ‘yung malapit dito sa area where we have the existing system,” giit ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa briefing.

Sinabi pa ng DOTr Secretary na hindi lingid sa kaalaman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sitwasyon at naipagbigay-alam na sa kanya ang updates hinggil dito. RNT