PH, Australia magtutulungan sa maritime security

PH, Australia magtutulungan sa maritime security

November 27, 2022 @ 9:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Palalakasin pa ng Pilipinas at Australia ang kooperasyon nito kaugnay ng maritime security at pagsugpo sa transnational crimes.

Ito ay makaraang magpulong kasabay ng 6th Philippines-Australia Strategic Dialogue nitong Biyernes, Nobyembre 25 ang mga senior foreign affairs at defense officials ng dalawang bansa.

Huling isinagawa ang kaparehong dialogue noon pang 2020 sa pamamagitan ng online.

“Both sides reaffirmed the importance of maritime cooperation activities, including the conduct of maritime dialogues, joint exercises, capacity building activities, training, and logistics support, which show the common maritime perspectives underpinning the two countries’ maritime cooperative endeavors,” sinabi ng Department of Foreign Affairs sa isang pahayag.

Kung babalikan ay napag-usapan na rin nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Australian Prime Minister Anthony Albanese ang ugnayan ng dalawang bansa at pagpapalakas ng bilateral relationship patungo sa isang strategic partnership.

Nagkasundo rin ang dalawang lider na palalakasin ang kooperasyon sa sektor ng agrikultura, enerhiya at climate change kasabay ng bilateral meeting sa sidelines ng 29th Asia-Pacific Economic Cooperation Leaders’ Meeting sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 19.

“The connections between Australia and the Philippines have been long-standing and have become stronger and stronger. We have a sizeable population in Australia of Filipino nationals. And many of them have already taken Australian citizenship and dual citizenship,” ani Marcos kasabay ng pagpupulong.

Kasama sa delegasyon ng Pilipinas sina DFA Undersecretary for Bilateral Relations at ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro maging si Defense Undersecretary for Civil, Veterans, at Reserve Affairs Franco Nemesio Gacal.

Sa hanay naman ng Australia ay naroon sina Department of Foreign Affairs and Trade Deputy Secretary for Southeast Asia and Global Partners Michelle Chan, at Department of Defense Acting Deputy Secretary for Strategy, Policy, and Industry Hugh Jeffrey. RNT/JGC