PH bike lanes hiniling ng DOTr na isama sa Google Maps

PH bike lanes hiniling ng DOTr na isama sa Google Maps

November 25, 2021 @ 5:10 PM 3 days ago


MANILA, Philippines- Hiniling ng Department of Transportation (DOTr) sa Google na isama ang bike lane routes sa Pilipinas sa dashboard ng popular na real-time navigation app nito na Google Maps upang tulungan ang mga siklista.

Ayon kay Transport Secretary Art Tugade, nakikipag-ugnayan na sila sa Google ukol sa proyekto.

“This will be a very good innovation for Google Maps considering that many Filipinos now are riding bikes as their main mode of transportation which brings significant health and environmental benefits especially amid the pandemic,” pahayag ni Tugade sa isang news release nitong Huwebes.

Aniya, hinihintay pa ng DOTr ang pag-apruba ng Google ngunit kumpiyansa umano siya na papaboran ito ng tech giant, na sumusuporta sa active transport.

“We have asked Google to consider this suggestion top priority considering the increasing number of Filipino cyclists. We are confident that we can win their support on this,” giit ni Tugade.

Nakumpleto na ng DOTr ang 500-km bike lane network sa metropolitan cities sa buong bansa.

Kabilang dito ang nasa Metro Manila (313.12 kilometers), Metro Cebu (129.47 km), at Metro Davao (54.74 km).

Pinondohan ng Bayanihan to Recover as One Act ang naturang proyekto. RNT/SA