PH border ‘di kailangang isara kasunod ng unang monkeypox case – Vergeire

PH border ‘di kailangang isara kasunod ng unang monkeypox case – Vergeire

August 1, 2022 @ 7:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi kinakailangan isara ang border ng bansa matapos matukoy ang unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas, ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Lunes.

“Wala pa so katulad ng direksyon ng current administration, gusto natin na pumupunta na tayo sa phase na tayo po’y nakakabalik na sa ating trabaho, eskwelahan and also itong pagsasara ng borders ay hindi pa kailangan,” sabi ni Vergeire.

“Unang-una kahit WHO (World Health Organization), ang risk ng monkeypox is just low to moderate, hindi kailangang magsara ng borders, hindi kailangang tumigil ng trade… dire-deretso lang kaya lang kailangan talaga mayroon tayong preventive measures in place,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Vergeire na halos 95% ng monkeypox cases sa buong mundo ay kumalat dahil sa sexual activities. Subalit, nilinaw niya na hindi itinuturing na sexually transmitted disease ang monkeypox.

Sinabi ng WHO na kumakalat ang monkeypox “during close skin-to-skin contact during sex, including kissing, touching, oral and penetrative sex with someone who has symptoms.”

Nitong nakaraang linggo, inanunsyo ng DOH ang unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas na isang 31-anyos na pasyente na dumating sa bansa noong Hulyo 19.

Inihayag ng ahensya na nagpapagaling na ang pasyente. RNT/SA