PH-China agreement, magpapalakas sa local steel industry – envoy

PH-China agreement, magpapalakas sa local steel industry – envoy

January 8, 2023 @ 9:30 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Makatutulong na muling buhayin ang steel industry ng bansa ang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China.

“Kung titingnan po natin iyong 14 agreements, nakikita po naman natin na mukhang solid naman ang mga proyekto na nasa table ngayon. Halimbawa po, iyong agreement ng Baowu Steel at SteelAsia,” ayon kay Philippine Ambassador to Beijing Jaime FlorCruz sa isang media forum sa Quezon City.

“Ang ini-expect po natin ay magpapasok ng 1.5 to 2 billion dollar investment para magtayo ng unang-unang liquid steel plant,” dagdag na pahayag nito.

“So ang plano pong ito ay mag-uumpisa iyong ating steel industry. Kasi kung wala tayong steel industry na sarili, iyong manufacturing natin, lalo lagi tayong reliant on imports,” ang wika ni FlorCruz.

Sa ulat, tinatayang may 14 na bilateral deals ang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa state visit nito sa China mula Enero 3 hanggang 5, kabilang na ang  investment pledges na nagkakahalaga ng $22 billion.

Ang kasunduan na ito ay nasa sektor ng agrikultura, imprastraktura, development cooperation, maritime security, at turismo.

Sinabi ni FlorCruz na ang bilateral deals ay umaayon sa layunin at pangangailangan ng pamahalaan.

“Makikita po aligned ito sa ating pangangailangan dito. Hindi lang po ito dahil gustong magbenta ang China kung hindi dahil po kailangan natin at magbe-benefit tayo sa mga ganitong agreement,” ayon sa ambassador.

Aniya, ang kasunduan na nahamig ng Pangulo ay makapagde- deliver ng ” tangible benefits at concrete projects.”

“Paano po natin ma-assure na mangyayari ‘yung pinapangako? Hindi po madali. Kasi kailangan ng follow through at ‘yun ang importante. ‘Yung mga pledges po, una, ay ang tingin ko nanggagaling sa taas. Hindi lamang ng mga kumpanya, mga Chinese companies na nag-sign,” ani FlorCruz. Kris Jose