PH COVID booster week kasado sa Sept. 26-29

PH COVID booster week kasado sa Sept. 26-29

September 11, 2022 @ 4:45 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) ngayong Linggo na magsasagawa ito ng national COVID-19 booster week sa Setyembre 26 hanggang 29 upang palakasin ang booster uptake sa pangkalahatang populasyon.

Ayon kay Lorra Angelia Sayson, DOH head assistant ng officer-in-charge Secretary, inirerekomenda rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) alinsunod sa panukala nitong gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask sa labas sa pagtatapos ng taon.

Aniya,lahat ng governtment agencies ay magpatupad ng mga sector specific policies , lalo na ang pagbibigay ng insentibo upang mahikayat ang mga indibidwal na magpa-booster.

“Katuwang po natin dito ang iba’t ibang mga ahensiya upang maisakatuparan itong national booster week natin,” dagdag pa niya sa isang panayam.

Batay sa national COVID-19 vaccination dashboard ng DOH, 18.5 milyong Pilipino lamang ang nakatanggap ng kanilang mga booster shot noong Setyembre 9.

Ito ay malayo pa sa 72.7 milyong Filipino na ganap nang nabakunahan laban sa COVID-19.

Sinabi ni Sayson na sa buong apat na araw na national booster week sa katapusan ng Setyembre, ang gobyerno ay nagnanais na magbigay ng mas maraming booster shots upang maabot ang target na PinasLakas nito sa Oktubre 8.

Layunin ng kampanyang PinasLakas na bigyan ng booster doses ang 50% ng karapat-dapat na populasyon ng bansa o 23.8 milyong Pilipino sa loob ng unang 100 araw ng administrasyong Marcos.

Nauna nang sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na tinaasan ng DOH ang target nito sa mahigit 400,000 COVID-19 booster shots kada araw matapos mabigo ang kampanya sa layunin nito kada araw mula nang magsimula ang kampanya.

Nakapagtala ang DOH nitong Sabado ng 3,165 bagong kaso ng COVID-19, kaya umabot na sa 3,904,133 ang nationwide tally.

Ang mga aktibong kaso, samantala, ay tumaas sa 26,074. May kabuuang 1,287 bagong recoveries ang naitala, kung saan ang recovery tally ay nasa 3,815,771.

Tatlumpu’t siyam na bagong pagkamatay ang naiulat, na nagdala ng bilang ng mga nasawi sa 62,288. Jocelyn Tabangcura-Domenden