PH economic team, tutulak sa Europa para sa investment meetings

PH economic team, tutulak sa Europa para sa investment meetings

January 21, 2023 @ 10:13 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang lumipad patungong Europa, sa susunod na linggo ang economic team ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Iprepresenta kasi nito ang economic situation at investment opportunities sa Pilipinas.

Magdaraos ang mga economic manager ng pangatlong Philippine Economic Briefing (PEB) kasama ang mga business leaders, bankers, at investors mula Enero 23 hanggang 27, ayon sa kalatas ng Department of Budget and Management (DBM).

“Finance Secretary Benjamin Diokno will deliver the keynote message while Budget Secretary Amenah Pangandaman will present the priority expenditures for fiscal year 2023 to investors and how they will play out in the achievement of the objectives outlined in the Philippine Development Plan 2023-2028,” ayon sa DBM.

Sasama naman sina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla at Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan sa panel discussions ukol sa “economic performance and outlook.”

Sakop ng PEB Europe leg ang Frankfurt sa Germany at London sa United Kingdom.

Matatandaang, una nang isinagawa ang PEB briefings sa Singapore at New York, USA.

Ang PEB-Europe ay inorganisa ng BSP sa pakikipagtulungan sa British Embassy sa Pilipinas, mga embahada sa Europa, at mga bangko gaya ng HSBC, UBS Group, Deutsche Bank, at Morgan Stanley, at iba pa.

Magkakaroon din ng financial literacy sessions kasama ang mga Filipino community, media interviews, at engagements kasama ang mga credit rating agency, kabilang na ang Moody’s Analytics and Fitch Ratings.

Ang DBM, sa pamamagitan ng kanilang opisyal na Facebook page https://www.facebook.com/DBMgovph, ay ila- livestream ang PEB mula Frankfurt sa Enero 23 ng alas-4 ng hapon at mula naman sa London sa Enero 26 ng alas-5 ng hapon, kapwa oras sa Pilipinas. Kris Jose