PH economy nasa tamang direksyon sa bumabang unemployment rate – PBBM

PH economy nasa tamang direksyon sa bumabang unemployment rate – PBBM

November 9, 2022 @ 3:58 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Kasunod ng pagbaba ng bilang ng mga Filipino na walang trabaho, kumpiyansang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang ekonomiya ng Pilipinas ay patungo na sa tamang direksyon.

Ito’y matapos na tanggapin ni Pangulong Marcos ang kamakailan lamang na ulat ng pagbaba ng bilang ng mga pinoy na walang hanapbuhay mula sa naunang buwan.

Nangako naman ang Punong Ehekutibo na paghuhusayin pa nito ang kalidad ng hanapbuhay para tugunan ang underemployment.

Winika rin niya na nakatuon na ang kanyang pansin sa job generation bago pa siya naging Pangulo ng bansa.

Sa kabilang dako, makikita sa Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority’s (PSA) na mayroong 2.5 milyon ang unemployed persons na may edad na 15 at pataas nito lamang Setyembre na mas mababa sa 2.68 milyong jobless Filipino noong Agosto.

“Ever since we started with the economic team, even before I took office, we really concentrated on the creation of jobs … and that’s why it is having the effect now of bringing down our employment rate,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang kalatas.

“We just have to be able to tolerate the shocks that are coming from abroad. But otherwise, the economy is moving in the right direction,” dagdag na pahayag nito.

Ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabahong pinoy ay may katumbas na unemployment rate na 5%, na mas mababa sa 5.3% unemployment rate sa nakalipas na buwan.

Sa kabila nito, ang bilang ng mga employed Filipino o mga pinoy na may hanapbuhay ay bumaba sa 47.58 milyon nito lamang Setyembre mula sa 47.87 milyon noong Agosto, may katumbas na employment rate na 95% mula 94.7% sa naunang buwan.

Binigyang diin naman ng Punong Ehekutibo na magandang senyales ito ng paglago ng ekonomiya ng bansa.

Kumpiyansa rin si Marcos na maaaring mapanatili ng Pilipinas ang positibong bwelo ng bansa na susuportahan din ng aksyon ng pamahalaan na magbigay pa ng mas maraming trabaho. Kris Jose