PH employment level, tumaas – DOLE

PH employment level, tumaas – DOLE

December 19, 2022 @ 7:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na tumaas ang level ng employment sa bansa dahil sa pagbubukas ng ekonomiya lalo ngayong Kapaskuhan.

Pero ayon sa kalihim mayroon pa rin hamon dahil sa pandemya dulot ng COVID-19.

“Pero ngayong season ang nakikita namin karamihan ng trabaho nasa service sector. Ang gusto sana naming direksyon ay sa more on permanent and more secure jobs,” ayon kay Laguesma.

Inaasahan din ng DOLE na makakalikha ang gobyerno ng higit sa isang milyong trabaho sa susunod na dalawang taon na tutugon sa pangunahing pangangailangan ngayon ng mga Pilipino para makabangon sa epekto ng pandemya.

Malaking tulong umano ang mapasailalim na sa DOLE ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para mahasa pa ang workforce sa tamang kasanayan at kung saan may malaking pangangailangan sa trabaho.

“Remember that employment are created by the private secotr. Ang DOLE ang tungkulin ay mag-provide ng enabling environment, ease in doing business at digitalization process para maiwasan ang bureaucratic red tape na makakaapekto sa proseso para magkaroon ng actual investment na lilikha ng hanapbuhay,” dagdag pa ng kalihim.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi naman ni Undersecretary Annie Torres na tumaas nitong Oktubre ng 95.5% ang employment rate ng bansa at bumaba ang unemployment rate ng 4.5%.

Ngunit mas tinututukan ng DOLE ang mababang kalidad ng mga trabaho sa pagtaas naman ng underemployment. Kailangang maitaas umano ang kasanayan ng mga mangagawa para tumugma sa mas mataas na kalidad ng trabaho sa mga darating na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden