PH football may bagong headquarters

PH football may bagong headquarters

July 31, 2022 @ 9:46 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan ng mga opisyal ng football mula sa Pilipinas at FIFA ang isang makasaysayang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng bagong headquarters ng Philippine Football Federation (PFF) sa Carmona, Cavite.

Dinaluhan ng pangulo ng PFF na si Mariano Araneta, Jr. at general secretary na si Edwin Gastanes ang event na  pinakinang ng mga opisyal ng FIFA na sina Sanjeevan Balansingam at Niko Nhovannasak.

Pinondohan sa ilalim ng FIFA Forward Program, ang bagong tahanan ng PFF ay isang limang palapag na gusali at makikita sa isang 4,231 metro kuwadradong lote. Ang lokasyon ay nakuha ng PFF sa pamamagitan ng Development Infrastructure Initiative ng Pangulo ng AFC.

Malapit lang ang headquarter sa PFF National Training Center, na nagsilbi bilang host sa iba’t ibang mga kaganapan sa football sa nakaraan.

Ang pangyayari ay naganap ilang linggo matapos masungkit ng national women’s football team ang isang makasaysayang gintong medalya sa AFF Women’s Championships 2022 matapos talunin ang powerhouse na Thailand sa championship round.

Naroon din sa seremonya si PSC Executive Director Guillermo Iroy, Jr., Carmona Mayor Dahlia Loyola, PFF Board of Governors, at mga presidente at kinatawan ng PFF Member Associations.JC