PH gov’t handa vs Omicron variant entry- DOH

PH gov’t handa vs Omicron variant entry- DOH

December 12, 2021 @ 10:00 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Siniguro ng pamahalaan na handa ito sakaling makapasok ng bansa ang mas nakahahawang Omicron variant ng coronavirus disease (COVID-19), base sa Department of Health (DOH) nitong Sabado.

Sa Laging Handa briefing, inamin ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mataas ang tiyansa na makapasok sa bansa ang naturang variant.

“From the start, hindi natin sasabihin definitely na hindi makakapasok. Ang pinag-uusapan natin diyan ay kung kailan,” aniya.

“So the chances are there. Malakas po ang tiyansa na maaring makapasok dito sa atin at tayo naman po ay nagpre-prepare” dagdag niya.

Pinaalalahanan naman ni Vergeire ang publiko na magpabakuna at sumunod sa health at safety protocols, anumang variant ang mayroon.

Sa kasalukuyan, wala pang naiuulat na kaso ng Omicron sa Pilipinas base sa resulta ng whole genome sequencing na inilabas noong Disyembre 9.

“[T]there was no sample positive for the Omicron variant. Na-isama po natin dito iyong isang arrival from South Africa kung saan lumabas po iyong sequencing result na ito po ay isang variant na B.1.1.203. Hindi po siya Omicron. Hindi rin po siya iyong mga variant na binabantayan natin dito sa ating bansa,” pahayag ni Vergeire.

Iniulat din niya na natunton na ang limang returning overseas Filipinos (ROFs) mula sa South Africa.

Negatibo naman ang resulta ng kanilang reverse transcription-polymerase chain reaction test ngunit kailangan pa nilang sumailalim sa retests.

Naiulat naman na ang dalawa pang nawawalang ROFs mula South Africa, ay mula sa Regions 4-B at 10 at negatibo sa isinagawang COVID-19 test pagdating nila sa Pilipinas.

“[D]umating po sila pareho ng November 22. So hanggang sa ngayon, our local governments are still locating these two passengers,” sabi ni Vergeire.

Siniguro rin ni Vergeire na mahigpit na binabantayan ng gobyerno ang pagpasok ng lahat ng mga dayuhan at Pilipino. RNT/SA