PH gov’t mas pabor sa ‘targeted subsidy’ vs excise tax suspension- DOF

PH gov’t mas pabor sa ‘targeted subsidy’ vs excise tax suspension- DOF

March 16, 2022 @ 11:11 AM 4 months ago


MANILA, Philippines- Mas pabor ang pamahalaan sa “targeted subsidy” kaysa sa excise tax suspension sa mga produktong petrolyo dahil may pangmatagalang negatibong epekto umano ang huli sa government revenues at sa ekonomiya, ayon sa Department of Finance (DOF) executive.

Sa virtual Laging Handa briefing nitong Martes, sinabi ni DOF Undersecretary Paola Alvarez na mas malaki ang bahagi ng fuel consumption ng mga nasa higher bracket ng lipunan na nasa 48.8 porsyento habang nasa 13.8 porsyento naman ang bahagi ng mga nasa lower income households.

Kaya naman ang mga nasa higher income households lamang ang mabebenepisyuhan ng excise tax suspension sa mga produktong petrolyo, na makaaapekto sa mga mahihirap dahil mababawasan ang pondo para sa social services program nito, aniya.

Ayon din kay Alvarez, mayroon dalawang panukala sa kamara na naglalayon na pansamantalang suspendihin ang excise tax sa langis.

Giit ni Alvarez, ang mga naturang panukala ay makababawas sa government revenues ng halos P48.7 bilyon at halos P69.3 bilyon.

“Pag overall sinuspinde po natin lahat – iyong excise tax including iyong VAT (value added tax) on excise tax ng lahat ng klase po ng fuel – mawawalan po tayo ng PHP138.8 billion in one year or 0.6 percent of our GDP (gross domestic product),” paliwanag niya.

“Ang pinu-propose po natin, imbes po na suspendehin natin overall, magbigay po tayo ng targeted support doon sa mga mahihirap na nangangailangan,” dagdag ni Alvarez.

Inilahad din niya na ang naturang subsidiya ay ibibigay sa public utility vehicle drivers na kabilang sa Pantawid Pasada Program. RNT/SA