PH history ibalik sa kurikulum – solons

PH history ibalik sa kurikulum – solons

July 4, 2022 @ 1:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Matapos ang kontrobersiyal na pagsasalarawan ng aktres na si Ella Cruz sa history bilang isang tsismis, isinusulong ngayon ng tatlong partylist group sa Kamara na Kabataan, ACT Teachers at Gabriela na ibalik sa K-12 curriculum ang Philippine History.

Sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep France Castro na may pangangailangan na para ituro ang kasaysayan at umaasa sila na sa ilalim ni Education Secretary Sara Duterte ay titiyakin na walang mangyayaring historical revisionism at denialism.

“Pinatunayan lamang muli na kailangang kailangan talaga na ibalik ang Philippine history bilang asignatura sa high school dahil ngayon, tinuturing na lamang itong ‘tsismis’ ng iilan upang baluktutin ang kasaysayan ng ating mamamayan”paliwanag ni Castro.

Hinamon naman ni Kabataan Partylist Rep Raoul Manuel si Cruz para sa isang “friendly chat o dialogue” upang mas lalong maintindihan ang kasaysayan at hindi magsilbi ang aktres na isang “apparatus” para baguhin ang kasaysayan ng bansa.

“We’d like to remind Ms. Ella Cruz that history remains grounded on facts, and that historical denialism has dangerously enabled the continued reign of plunderers in our country . Filipinos must know the atrocities and massive corruption committed under the dark reign of the President’s father,” pahayag naman ng Gabriela sa isang statement.

Una nang binatikos si Cruz matapos nitong ihambing ang kasaysayan bilang isang tsismis na ang lahat ay may karapatan para sa kani-kanilang opinyon.

Si Cruz ay gumaganap bilang si Irene sa pro Marcos film na Maid in Malacanang sa ilalim ng direksyon ni Darryl Yap. Gail Mendoza