PH humanitarian team mula Turkey pinarangalan ng NDRRMC

PH humanitarian team mula Turkey pinarangalan ng NDRRMC

March 6, 2023 @ 2:57 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinarangalan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes, Marso 6 ang 82-man Philippine contingent na ipinadala ng bansa sa Turkey kamakailan.

Sa pahayag, sinabi ng NDRRMC na ginawaran ng “Bakas Parangal ng Kabayanihan” award ang mga miyembro ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAC) sa seremonyang idinaos sa Camp Aguinaldo.

“As a Filipino, it makes me proud that our country, the Philippines, readily responded to that call, in solidarity with the international community,” ani Defense officer-in-charge Carlito Galvez Jr, na umuupo sa NDRRMC, sa kanyang keynote speech.

Ang Bakas Parangal, na sinimulan noong Agosto 2012, ay ibinibigay bilang recognition of merit o token of gratitude sa mga indibidwal o grupo na nagpakita ng kabayanihan at bukas-pusong pagtulong sa panahon ng kalamidad.

Maliban sa award, nakatanggap din ang contingent ng P4.1 milyon na monetary incentives mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Matatandaan na ipinadala ang PIAC sa Turkey upang tumulong sa recovery efforts kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Turkey at Syria noong Pebrero 6. RNT/JGC