PH karatekas sasabak sa training sa Turkey

PH karatekas sasabak sa training sa Turkey

March 14, 2021 @ 9:18 AM 1 year ago


 MANILA, Philippines — Lalabas ng Calambubble sa Inspire Sports Academy sa Laguna ang national karatedo squad upang sumabak sa training sa ibayong dagat.

Ayon sa ulat, tutulak ang national karatekas sa Istanbul, Turkey para sa training camp upang paghahanda sa Olympic Games qualifying tournament.

Binubuo ang team nina 2019 Southeast Asian Games gold medalist Jamie Lim, Ivan Agustin, Shariff Afif, Alwyn Batican at Jason Macaalay.

Makakasama ng grupo sa Istanbul sina 2019 SEA Games gold medal winner Junna Tsukii at Fil-Am Joane Orbon na manggagaling sa Japan at United States, ayon sa pagkakasunod.

Gagawin ang pinakahuling Olympic qualifying sa Hunyo sa Paris, France.

Una nang lumabas ng Calambubble ang national boxing squad sa pangunguna nina 2019 SEAG gold medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam na target makasungkit ng Olympic ticket sa Tokyo, Japan.

Sasabak sa training sa Thailand sina Petecio at Paalam upang paghandaan ang 2021 Tokyo Olympics sa Hulyo at SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre. Rico Navarro