PH LGUs nakatanggap ng P1B lotto, STL share nitong 2022

PH LGUs nakatanggap ng P1B lotto, STL share nitong 2022

March 19, 2023 @ 1:18 PM 2 weeks ago


NAKATANGGAP ang mga lokal na pamahalaang lungsod sa buong bansa ng halos isang bilyong piso noong 2022 mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office upang dagdagan ang kanilang pondo para sa mga serbisyong pangkalusugan at medikal.

“Umaabot sa halos isang bilyong piso ang nai-remit natin sa mga LGU upang matustusan ang kanilang serbisyong pangkalusugan at medikal para sa mamamayan. Umaasa tayong ngayong bumabangon tayong muli sa pandemya ay mas tataas pa ito,” ani PCSO chairman Junie Cua.

Ayon sa 2022 Accomplishment Report ng PCSO, nakatanggap ang mga LGU ng P948,173,268.75 na share mula sa lotto at small town lottery proceeds.

Ang lotto shares ay nagkakahalaga ng P395,224,629.26, habang ang STL shares na natanggap ng LGUs ay nagkakahalaga ng P552,948,639.49.

Nabatid na inaatasan ang PCSO na ibahagi ang kinita sa mga LGU, kung saan ang mga lungsod at munisipalidad ay tumatanggap ng 5 porsiyento, habang ang mga lalawigan ay tumatanggap ng 2 porsiyento.

“Ang pag-remit namin ng lotto shares ay sang-ayon sa Executive Order No. 357-A, na nagtatakdang dapat may matanggap mula sa Charity Fund ang mga LGU. Samantala, 2020 STL Revised Implementing Rules and Regulations naman ang basehan para sa STL shares,” ani Cua.

Sinabi ng chairman na ang mga bahaging ito ay nagbibigay ng mahalagang tulong sa mga LGU upang mas mapagsilbihan nila ang kanilang mga nasasakupan.

“Malaki ang ambag ng dagdag na pondo na ito para mas marami pang Pilipino ang makadama ng kalinga ng pamahalaan,” ayon kay Cua.

Sinabi rin ni Cua na alinsunod kay Pres. Ferdinand Marcos, Jr., sisikapin ng PCSO na maging mas malakas na katuwang ng mga LGU sa paghahatid ng serbisyo.

“Nagsisikap po kami para mapaigting ang paglilingkod, hindi lang sa pamamagitan ng lotto at STL shares, kundi pati na rin sa mandato naming tumulong sa pamamagitan ng medical assistance at iba’t ibang institutional partnership,” ani Cua.

“Mayroon tayong 72 branches sa buong bansa na handang tulungan ang mga lumalapit nating kababayan,” dagdag pa ni Cua. RNT