PH lumagda sa deklarasyon para palakasin ang ocean governance sa East Asia

PH lumagda sa deklarasyon para palakasin ang ocean governance sa East Asia

December 12, 2021 @ 10:24 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Upang palakasin ang ocean governance, lumagda ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa deklarasyon na layuning palakasin ang green recovery at ocean governance sa East Asia sa ginanap na 7th East Asian Seas Ministerial Forum nitong Disyembre 2.

Pinangunahan ni DENR Secretary Roy A. Cimatu ang paglagda ng delegasyon ng Pilipinas sa Preah Sihanouk Ministerial Declaration kasama ang mga ministers at senior government officials mula sa member-countries ng Partnerships in Environmental Management for the Seas of East Asia (PEMSEA).

Ang PEMSEA ay binubuo ng labing-isang bansa kabilang ang Cambodia, China, Democratic People’s Republic of Korea, Indonesia, Japan, Lao People’s Democratic Republic, Pilipinas, Republic of Korea, Singapore, Timor-Leste, at Vietnam.

Sa pamamagitan ng deklarasyon, ang PEMSEA member-counties ay nag-endorso ng PEMSEA Roadmap to 2030 bilang decadal strategic guide ng rehiyon na nakabatay sa Sustainable Development Strategy for the Seas of East Asia (SDS-SEA) vision at commitment sa Blue Economy.

Ito ay nakahanay sa PEMSEA countries’ green recovery plans and programs at sa mga pangunahing international environmental commitments.

Sa pahayag ng Pilipinas, muling binanggit ni Cimatu ang pangako ng bansa sa deklarasyon at hinikayat din nito ang iba pang bansang miyembro na suportahan ang inisyatiba sa coastal resilience.

“[In] this 7th Ministerial Forum, the Philippines not only reiterates its firm commitment to the implementation of the PEMSEA Roadmap 2030 and the SDS-SEA Implementation Plan 2022 to 2027, but also urges all country partners to embrace the Preah Sihanouk Ministerial Declaration on building coastal resilience to climate change impacts in East Asia and to contribute in advancing the global sustainable development agenda,” ani Cimatu.

Bukod dito, binanggit din ng DENR chief ang implementasyon ng “blended protection” upang mapagtuunan ng pansin ang “pressure and threats” ng climate change sa ocean at marine resources.

Aniya, kinakailangan ding mapalakas ang pakikipagtulungan ng iba pang stakeholders para sa “spectrum of effective area-based conservation measures” at mahahalagang marine areas.

Ipinagyabang din ni Cimatu ang pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas para sa rehabilitasyon ng Boracay at tuloy-tuloy na restoration program ng Manila Bay, kabilang na dito ang malawakang clean-up, pagtatayo ng solar-powered sewage treatment plants, pagpapalalim sa mga daluyan ng tubig at beach nourishment.

Sinabi pa ni Cimatu na ang Pilipinas ay pumasok sa “sustainable fisheries and aquaculture” at nag-invest sa green ports na ipinatatakbo ng renewable energy, gumagamit ng solar panel lighting at mayroong shore reception facilities. Santi Celario