PH mamumuno sa International Labor Organization

PH mamumuno sa International Labor Organization

July 6, 2021 @ 4:45 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Naihalal bilang pinuno ng Government Group ng International Labor Organization (ILO) ang Pilipinas na maituturing na kasaysayan sa mundo ng panggawa.

Ayon sa DOLE, ito ay isang makabuluhang pagbabago sa policy-making global tripartite body kung saan naging tradisyon nang pamunuan ito ng malalakas at makapangyarihang mga kasaping bansa.

Sinabi ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Geneva kay Labor Secretary Silvestre Bello III na pormal na ginampanan ng Pilipinas ang posisyon noong nakaraang linggo matapos nitong makumpleto ang termino bilang vice-chairman.

Sa ulat ni Labor Attaché to Geneva Cheryl Daytec, bilang pinuno na kumakatawan sa mga pamahalaan, gagampanan ng Pilipinas ang pangunahing papel na pamunuan ang Governing Body ng ILO na nagtitipon tuwing Marso, Hunyo, at Nobyembre.

Batay sa mandato, si Secretary Bello ang mamumuno sa mga pagpupulong ng Government Body Session at ng International Labour Conference (ILC) Government Group.

Binati ng Kalihim ang Philippine Permanent Mission to the UN at ang POLO sa Geneva dahil sa kanilang pagpupunyagi na makamit ang matagal nang minimithing posisyon.

“Bilang pinuno ng grupo ng pamahalaan, ang Pilipinas ay nasa pangunahing posisyon sa pagtatakda ng pandaigdigang pamantayan sa paggawa. Gagamitin din namin ang mahalagang papel na ito upang tulungan ang ILO na makamit nang ganap, pantay, at mas demokratikong partisipasyon ng maliliit, at di-regular na miyembro sa pagtatakda ng polisiya at programa,” pahayag ni Bello.

Ang Governing Board ay binubuo ng 56 titular member (28 pamahalaan, 14 employer, at 14 manggagawa) at 66 deputy members (28 pamahalaan, 19 employer, at 19 manggagawa). Ito ang nagpapasiya sa polisiya ng ILO, nagtatakda sa agenda ng International Labor Conference, nagpapatibay sa draft Programme and Budget ng Organisasyon para isumite sa Conference, at ang paghahalal  sa Director-General.

Ang Pilipinas ay magsisilbi ring pangunahing daan ng komunikasyon sa pagitan ng Office at ng Group, direkta o kahanay ng Regional Coordinator, at kung kinakailangan ng Employers at ng Workers Groups.

Responsibilidad din nito ang pagtawag at pamumuno sa pagpupulong ng Government Group, habang nagpupulong at maging sa labas ng mga opisyal na pagpupulong at pangangasiwa ng negosasyon para sa pantay na posisyon, nang sa ganoon ay makatulong upang maabot ang kasunduan.

Ang ILO ay isang ahensiya ng United Nations na ang mandato ay isulong ang pang-lipunan at pang-ekonomiyang hustisya sa pamamagitan ng pagtatakda ng pandaigdigang pamantayan sa paggawa.

Ito ay itinatag noong Oktubre 1919 sa ilalim ng League of Nation, ito ang una at pinakamatandang ahensiya ng UN. Jocelyn Tabangcura-Domenden