PH Maritime Zones bill, lusot na sa Kamara

PH Maritime Zones bill, lusot na sa Kamara

December 6, 2021 @ 7:15 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Inaprubahan na ng Kamara nitong Lunes ang ikatlong pagbasa ng panukalang nagdedeklara sa maritime zones sa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas.

Sa bilang na 189 affirmative votes, inaprubahan ng lower chamber ang House Bill No. 9981 o ang Philippine Maritime Zones Act na layuning ideklara ang baybayin ng bansa upang makapagtalaga ng legal bases kung saan maaaring isagawa ang social, economic, commercial, at iba pang aktibidad.

Layunin din ng panukala na magbigay ng kalayaan sa pagpapatupad ng mga batas alinsunod sa mga karapatan at obligasyon na maaaring ipatupad ng Pilipinas sa saklaw nitong teritoryo.

Sa ilalim ng House Bill No. 9981, kabilang sa maritime zones ang internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone, at continental shelf.

Gayundin, nagbibigay ang panukala ng karapatan sa mga naturang maritime zones, na nagtatalaga sa eksklusibong karapatan ng Pilipinas na galugarin at gamitin ang mga living at nonliving resources sa mga zones na ito, alinsunod sa United Nations Convention sa Law of the Sea (UNCLOS) at iba pang kasunduan.

Sinabi ni house committee on foreign affairs chair Rep. Ann Hofer na ang panukala ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagtukoy sa hurisdiksyon ng bansa sa mga teritoryong ito, na idineklara sa Permanent Court of Arbitration ruling noong Hulyo 2016. RNT/SA