PH Muay Thai sumungkit ng gold sa Phuket

PH Muay Thai sumungkit ng gold sa Phuket

December 14, 2021 @ 11:25 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Nakasungkit ng gintong medalya si Muay Thai fighter Philip Delarmino sa katatapos na International Federation of Muay Thai Associations (IFMA) World Muay Thai Championships sa Phuket, Thailand.

Dinomina ni Delarmino ang tatlong rounds sa final game laban kay Russian Aleksandr Abramov ng Russia upang paboran ng judges, 30-27 at pagharian ang men’s elite 57 kilogram category.

Sa wakas, nakamit din ng 31-anyos na mandirigma mula sa Iloilo City ang mailap na titulo para sa bansa kasunod ng hindi malilimutang 5th place finish sa 2019 world championships sa Bangkok, Thailand at nagtapos na may bronze medal noong 2018 sa Cancun, Mexico.

Ang panalo na ring ito ang magsisilbing tiket niya para sa 2022 World Games at iba pang malalaking torneo ng Muay sa buong mundo.

“Excited na akong sumagupa sa World Games, sigurado ako lahat ng astiging fighters nang buong mundo ay naroon,” ayon kay Delarmino.

Bukod kay Delarmino, sasabak din doon  ang silver medalist na si Abramov sa World Games sa Hulyo 7-17 sa susunod na taon sa Birmingham, Alabama.

Pareho rin niyang makakasagupa roon ang ang sumabak sa world champs sa quadrennial World Games.

Tanging mga finalists lang ang awtomatikong pasok sa global multisport event na ito kada apat na taon na kinabibilangan ng mga sports na hindi kasama sa Olympic Games.

Matatandaang si PHL billiard star Carlo Biado ang naging unang Pinoy na nakagintong medalya sa World Games nang maghari sa men’s 9-ball singles event noong 2017 edition sa Poland.

Mula pa noong 1981 lumahok ang Team Philippines sa World Games  at bukod sa gold ni Biado ay nakakuha ang bansa ng 5 silver at 5 bronze medals. JC