PH nanindigan vs debris na kinuha ng China coast guard

PH nanindigan vs debris na kinuha ng China coast guard

November 23, 2022 @ 8:05 AM 4 days ago


MANILA, Philippines – Nanindigan ang Department of National Defense sa pahayag ng militar kaugnay ng pwersahang pagtanggal ng Chinese coast guard sa isang lumulutang na debris sa dagat na sakop ng Pag-Asa Island nitong Linggo, Nobyembre 20.

Ito ang pahayag na inilabas ni DND officer in charge Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., makaraang itanggi ng China na pwersahan nga ang nangyaring pagkuha sa debris sa pamamagitan ng pagharang sa barko ng Pilipinas na nauna sanang kumuha nito.

Ayon naman sa Chinese foreign ministry, ang debris ay kinuha ng coast guard nito makalipas ang isang ‘friendly consultation’ sa panig ng Pilipinas.

“We stand by the accounts of our personnel in the area that, contrary to the narrative of the Chinese side, the debris being towed by a Philippine vessel to Naval Station Emilio Liwanag for inspection was rudely taken by personnel from CCGV5203,” ani Faustino.

Dagdag niya, iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang napaulat na mga pagsabog na hinihinalang artillery fire, makaraan ang insidente sa Chinese coast guard.

Sa kasalukuyan ay naghihintay pa umano ng karagdagang impormasyon ang DND sa dalawang sunod na insidente sa Pag-asa Island.

“The situation is still developing; thus, we cannot provide additional details at this time,” sinabi pa ni Faustino.

Sinisiguro na ng Armed Forces of the Philippines at iba pang sangay ng pamahalaan ang kaligtasan sa lugar.

“Events such as these are exactly why we continue to advocate for open lines of communication and dialogue mechanisms. We support the diplomatic efforts of Philippine government agencies to engage our Chinese counterparts to address the incident,” aniya. RNT/JGC