PH national volleyball coaches, sibakin pauwiin na sa Brazil

PH national volleyball coaches, sibakin pauwiin na sa Brazil

September 15, 2021 @ 7:50 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Libo-libong fans ng itinuturing na volleyball icon ng Pilipinas na si Alyssa Valdez ang nagpahayag ng galit sa coaches ng Philippines team na sina Brazilian Jorge Edson Souza de Brito at Odjie Mamon dahil sa hindi pagkuha sa manlalaro bilang miyembro ng national team dahil sa umano’y maliit at matanda na.

Ang dalawa ang inatasan upang mamili kung sino ang dapat paglaruin sa national team na isasabak ng bansa sa mga international competitions.

Marami ang natawa dahil sa edad na 28 ay itinuturing ni De Brito at Mamon na si Valdez ay matanda na at sa taas na 5 foot 9 ay itinuturing itong  maliit na manlalaro.

Ayon sa mga fan, bulag yata itong si De Brito at dapat pabalikin na sa Brazil dahil ang sinasabi nitong  walang maibubuga sa larangan ng volleyball ay ang pinakamagaling ng spiker sa bansa.

Hindi rin alam ni De Brito at nakalimutan ni Mamon na si Alyssa ang nagpasikat ng larong volleyball sa bansa na minsan nang hindi pinapansin at nilalangaw na sports sa Pilipinas.

Sa statement ni Souza de Brito, nireview umano niya ng video ng Sea Game at PVL noong isa buwan at sinabi nitong hindi nakapasa si Alyssa sa criteria para makapasok sa 25 member team ng national team.

Dapat umano’y ipa-check ni Souza de Brito at Mamon ang kanilang mga mata dahil si Alyssa ang heart and soul ng Creamline at laging sandigan ng national team sa pagsabak nito sa mga international competitions.

Sinabi pa ng mga fans na dapat patayuin si Souza de Brito at Mamon sa gitna ng court at patamaan ni Alyssa ng isang umaapoy na spike sa kanilang mga mukha para maalog ang utak at mamulat ang nagbubulag-bulagan nilang mga mata.

“I need some fresh players, younger and taller,” ayon kay Souza de Brito.

Sa taas umanong 5-foot-9, si Alyssa ay maituturing na 7 foot 3 at maaaring maikumpara kay NBA star LeBron James sa larangan ng volleyball.

Naghahanda ang Pilipinas sa pagsabak sa 2021 AVC Asian Women’s Club Volleyball Championship na nakatakda sa Oct. 1 to 7 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Hindi umano nakalahok si Valdez sa Subic tryouts dahil sa problema sa COVID-19 pero hindi naman din sila muling inimbitahan upang maging dagdag sa team kagaya ng ginawa nila kina Kalei Mau, Kianna Dy at Dawn Macandili, at iba pa.

Bigo rin umanong lumahok sa tryout noong Abril  sina Tin Tiamzon, Rhea Dimaculangan, Dindin Santiago-Manabat, MJ Phillips, Kat Tolentino, Jema Galanza, Deanna Wong, Mau, Dy at Macandili pero inimbitahan sa pool.

Naghugas kamay naman si Mamon sa hindi pagkuha kay Alyssa at sinabing hindi umano niya desisyon ang nangyari.

 “It was out of my hands kasi hindi na ako yung namili nun. With regards to the selection, it’s done. We are very hopeful of this team,” wika nito.

Sina Jaja Santiago, Aby Marano, Majoy Baron, Eya Laure, Mylene Paat, Iris Tolenada, Ria Meneses, Dell Palomata, Faith Nisperos, Jennifer Nierva, Mhicaela Belen, Ivy Lacsina, Alyssa Solomon, Kamille Cal, Bernadette Pepito at Imee Hernandez ang unang nakakuha ng spots sa pool matapos lumahok noong April 28 tryouts sa Subic.

Ito ang unang pagkakataon simula noong 2015 SEA Games na hindi makakasali sa national team si Valdez.Rico Navarro


  •  
  •  
  •