PH omicron cases nadagdagan ng 147; arawang tally pwedeng umabot sa 9K sa Setyembre – DOH

PH omicron cases nadagdagan ng 147; arawang tally pwedeng umabot sa 9K sa Setyembre – DOH

August 26, 2022 @ 5:18 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakatukoy ang Pilipinas ng 147 karagdagang kaso ng highly transmissible omicron COVID-19 variant, sinabi ng Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, mayroong 139 na bagong kaso ng omicron BA.5, 6 pang kaso ng BA.4, 1 kaso ng BA.2.12.1 at 1 na na-tag bilang “other sublineages,” ang pinakabagong mga numero mula sa palabas ng DOH.

Sa mga bagong kaso ng BA.5, karamihan ay natukoy sa Davao Region (45), Calabarzon (37) at Soccsksargen (17). Samantala, ang mga kaso ng BA.4 ay naiulat sa Bicol Region (3), Soccsksargen (2) at Davao Region (1).

Isang kaso ng BA.2.12.1 ang nakita sa Ilocos Region at 1 na may tag na “other sublineages” ang nakita sa Caraga.

Ito ang mga resulta ng pinakahuling sequencing run na isinagawa noong Agosto 24, ayon sa datos ng DOH.

Ang omicron offshoots BA.4 at BA.5 ay bahagyang nagdulot ng isang alon ng mga bagong kaso ng sakit sa mga bahagi ng mundo.

Una itong natuklasan sa South Africa at mabilis na kumalat sa kabila ng mataas na population immunity na ipinagkaloob ng mga naunang bugso at pagbabakuna.

Noong nakaraang linggo, nakapagtala ang Pilipinas ng 23,883 karagdagang kaso ng COVID-19.

Mula Agosto 15 hanggang 21, nakapagtala ang bansa ng average na 3,412 araw-araw na impeksyon, na 15 porsiyentong mas mababa kumpara sa nakaraang linggo.

Sa ngayon, mahigit 72.4 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19. Sa kabuuan mahigit 17.7 milyon ang nakatanggap ng kanilang karagdagang jab habang 2 milyon ang nakakuha ng kanilang pangalawang booster shot.

Samantala, maari umanong umabot sa 9,000 sa katapusan ng Setyembre ang daily COVID-19 infections sa bansa sa gitna ng pagpapatuloy ng face-to-face classes sabi pa ng DOH.

Ayon kay DOH officer in charge Usec. Maria Rosario Vergeire, ang mga numero ay batay sa mga pinakahuling projection nito sa pagbabalik ng milyon-milyong estudyante sa mga paaralan noong Lunes, Agosto 22.

‘”We agree the probability is there. Based on our projections, which were already updated because of the opening of classes, maaaring tumaas hanggang 9,000 daily cases dito sa bansa pagdating ng end of September hanggang Oktubre,” ani Vergeire sa press briefing.

Isang grupo ng mga pribadong ospital ang naunang nagbabala sa impeksyon sa COVID-19 na maaaring tumaas sa gitna ng pagtaas ng mobility ng populasyon.

Habang pinaluwag ng bansa ang mga paghihigpit sa coronavirus sa paglipas ng panahon,
Sinabi ni Vergeire na ang mga pattern ng mobility ay bumalik na sa mga antas ng pre-pandemic.

Nanawagan ang opisyal sa publiko na patuloy na sumunod sa minimum public health standards at taasan ang COVID-19 vaccination rate ng bansa.

“Gusto ko lang ipaalam sa mga kababayan, these are projections. Ang projections maaaring mangyari, maaaring hindi mangyari, depende kung matutupad ‘yung mga nilagay natin sa assumptions, which includes mobility, minimum public health standards, pagbabakuna at siyempre ‘yung opening of classes,” ani Vergeire.

Sa ngayon, ang daily average na kaso ng COVID-19 sa bansa ay 3,231, ani Vergeire. Ito ay 14 porsiyentong mas mababa kumpara sa nakaraang linggo na 3,755.

Noong Huwebes, nagtala ang bansa ng 3,126 na bagong impeksyon sa coronavirus, na mas mababa sa 4,000 para sa ika-11 sunod na araw.

Ang pambansang COVID-19 tally ay 3,867,071, na may 31,037 aktibong kaso at 61,519 na nasawi. Jocelyn Tabangcura-Domenden