PH public infra, kakapusin ng skilled workers sa pag-usbong ng ekonomiya – Alan Cayetano

PH public infra, kakapusin ng skilled workers sa pag-usbong ng ekonomiya – Alan Cayetano

November 10, 2022 @ 12:20 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Kung hindi man mauubos, nakatakdang kapusin ng skilled workers ang Pilipinas partikular ang nagtatrabaho sa public infrastructure, sakaling gumanda ang takbo ng ekonomiya, ibinabala ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules.

Sa kanyang interpelasyon sa ginanap na deliberasyon ng 2023 national budget sa plenaryo na iniisponsor ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, sinabi ni Cayetano na malamang mawalan ng trabahador o skilled workers ang pamahalaan kapag gumanda ekonomiya.

Binanggit ni Cayetano na mayroong dalawang kadahilanan kung bakit kakapusin kundi man mauubusan ng skilled workers ang pamahalaan: Una, maaaring umalis lumipat ang manggagawa sa mas magandang opurtunidad o sahod sa pribadong sektor at mas malaking pasahod sa abroad.

“Kapag kasi gumanda ang ekonomiya at nagkaroon ng boom, sa private sector pumupunta lahat ng skilled [workers],” aniya.

Sinabi ni Cayetano na mas gugustuhin ng skilled workers na magtrabaho sa pribadong sektor kaysa gobyerno dahil mas malaki ang sahod sa una.

Aniya, mas madaling magtaas ng sahod ang pribadong sektor sa skilled workers kumpara sa gobyerno na makupad magdesisyon sanhi ng isang salik tulad ng korapsyon.

“I think that’s going to be our problem once na gumanda na talaga ng husto ‘yung ekonomiya. We will run out of skilled workers for two reasons: one, nasa abroad ’yung marami, and then number two, I think bubuhos sa construction [ang investments],” aniya.

Iginiit ni Cayetano na mapapanatili lamang ang gobyerno ang skilled workers nito kung titiyakin na mababayaran ng kontraktor ang kanilang benepisyo at mataas na sahod. Ernie Reyes