PH Red Cross nagbabala sa publiko vs dengue

PH Red Cross nagbabala sa publiko vs dengue

June 17, 2022 @ 10:48 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Ngayong panahon ng tag-ulan, ang  Philippine Red Cross (PRC)  ay nagbabala sa publiko sa mga panganib ng dengue fever at pinayuhan ang mga Pilipino na mag-ingat, gayundin na makipagtulungan sa mga interbensyon sa kalusugan upang maiwasan ang mga hotspot.

Paalala ng  PRC sa publiko na sundin ang “4S” protocol laban sa dengue: search and destroy, self-protection measures, humingi ng maagang konsultasyon at magsabi ng ‘yes’ sa fogging operations.

“(For) search and destroy: cover water drums and pails; replace water in flower vases once a week; clean gutters of leaves and debris; collect and dispose of all unusable tin cans, jars, bottles and other items that can collect and hold water,” ayon sa PRC.

Ipinaalala rin ng PRC ang mga self-protective measures tulad ng pagsusuot ng long pants at long-sleeved shirts gayundin ang araw-araw na paggamit ng mosquito repellents.

Hinimok din ng PRC ang mga Pilipino na payagan ang fogging sa mga lugar kung saan may paparating na outbreak o hotspot para sa dengue.

Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng paghingi ng maagang konsultasyon sa mga doktor kapag nagpapatuloy ang lagnat pagkatapos ng dalawang araw at nagsimulang lumitaw ang mga pantal.

“If medicine for fever will be given, do not give aspirin. Ensure a person suspected of having dengue is well hydrated. If fever or symptoms persist for two or more days, bring the patient to the nearest hospital,” sabi pa ng PRC.

Ayon sa Department of Health, ang dengue ang pinakamabilis na kumakalat na vector-borne disease sa mundo na endemic sa 100 bansa – kabilang ang Pilipinas.

Ang panganib ng transmission ay pinakamataas sa panahon at pagkatapos ng tag-ulan, na karaniwang nangyayari mula Mayo hanggang Nobyembre, dagdag nito.

Ipinaliwanag ng PRC Health Services na ang dengue fever ay isang nakakahawang sakit na dala ng lamok na nagdudulot ng matinding sakit na parang trangkaso.

Ang mga sintomas ay biglaang pagsisimula ng mataas na lagnat, na maaaring tumagal mula dalawa hanggang pitong araw; sakit ng kasukasuan at kalamnan at pananakit sa likod ng mga mata; kahinaan; mga pantal sa balat; pagdurugo ng ilong kapag nagsimulang humupa ang lagnat; sakit sa tiyan; pagsusuka ng kulay-kape na bagay; madilim na kulay ng dumi, at hirap sa paghinga.

Ang National Dengue Awareness Month ay ginugunita tuwing Hunyo sa bisa ng Proclamation 1204 na inilabas noong Abril 21, 1998 ni dating pangulong Fidel Ramos. Jocelyn Tabangcura-Domenden