PH Red Cross nakapagturok ng halos 4K doses sa 1 araw

PH Red Cross nakapagturok ng halos 4K doses sa 1 araw

December 9, 2021 @ 3:15 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Bilang suporta sa national vaccination program ng bansa laban sa coronavirus disease (COVID-19), nakapagbakuna ang Philippine Red Cross (PRC) ng halos 4,000 katao mula Luzon hanggang Mindanao sa loob ng isang araw.

Ayon sa PRC, nakapagbakuna ito ng 3,952 doses sa isang araw lamang nitong Lunes.

“The Red Cross will always be there where we are needed. Our goal is to vaccinate as many as we can,” pahayag ni PRC Chairman at Chief Executive Officer (CEO) Sen. Richard Gordon.

“We want to protect every Filipino from COVID-19,” dagdag niya.

Base sa PRC, itinalaga ni Gordon ang Bakuna teams ng PRC at nabakunahan ang 2,536 indibidwal sa Bakuna Centers sa Mindanao. Mahigit 135 ang nabakunahan sa Lanao del Sur-Marawi, 798 sa Iligan, 356 sa Agusan Del Norte, 364 sa Sultan Kudarat, 108 sa Cotabato City-Maguindanao, 323 sa Surigao Del Norte, 340 sa Misamis Oriental-Mindoro, 50 sa Gingoog City, at 62 sa Sulu.

Batay sa PRC Health Services, nakapagturok ang PRC ng 855 doses mula sa apat na Bakuna Centers kung saan nakapagturok ang PRC Zamboanga ng 418 doses, PRC Tarlac ng 194 doses, PRC Boni ng 45 doses, at ang PRC Logistics and Multipurpose Center ng 198 doses.

Samantala , dalawang Bakuna Buses naman ang umarangkada sa Luzon at nakapagbakuna ng 561 indibidwal sa pamamagitan ng mobile clinics sa Lucena, Quezon kung saan 225 ang nabakunahan, at sa Cagayan kung saan 336 ang nabakunahan.

Noong Disyembre 6 ay umabot na sa 719,130 katao ang nabakunahan ng PRC sa pamamagitan ng kanilang 17 na Bakuna Buses at 25 PRC Bakuna Centers kung saan 275,882 indibidwal na ang fully vaccinated.

Bukod sa COVID-19 vaccines, sinabi ng PRC na sagot nito ang lahat ng halaga ng COVID-19 vaccination program ng gobyerno kabilang ang mga hiringgilya, mobilization, at vaccinator allowances. RNT/SA