PH rescue team sa quake-hit Turkey, ‘di na mag-eextend – OCD

PH rescue team sa quake-hit Turkey, ‘di na mag-eextend – OCD

February 17, 2023 @ 9:06 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes na sa kasalukuyan ay hindi kinakailangang i-extend ang pananatili ng Philippine rescue team sa quake-hit Turkey.

Inihayag ni OCD spokesperson Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na sa kasalukuyan ay susundin nila ang plano ng pag-deploy sa Philippine rescue team sa Turkey sa loob lamang ng dalawang linggo.

“Tuloy-tuloy naman ‘yun. May one week pa sila before we finally bring them home so based naman ‘yan sa timeline na binigay natin sa mission nila na two weeks, not more than three weeks,” pahayag niya.

“So far, wala naman…we don’t see any need for them to extend,” tugon niya nang tanungin kung kailangan ng extension.

Nagpadala ang Pilipinas ng 82-man team sa Turkey para tumulong sa search and rescue operations.

Nang tanungin hinggil sa posibleng paglipat ng Philippine rescue team mula Adiyaman Province patungo sa Hatay province para hanapin ang mga Pilipinong naiulat na nawawala, sinabi ni Alejandro na depende ang operasyon sa mga lokal na awtoridad.

Samantala, umabot na ang death toll sa lindol na tumama sa Turkey at Syria sa mahigit 40,000 nitong Biyernes.

Sinabi ng mga opisyal at medics na 38,044 indibdiwal ang namatay sa Turkey at 3,688 naman sa Syria mula sa February 6 tremor, dahilan para sumampa sa 41,732 ang bilang ng mga nasawi. RNT/SA