PH SEAG team ‘di pinagbigyang bumoto nang maaga

PH SEAG team ‘di pinagbigyang bumoto nang maaga

December 15, 2021 @ 9:59 AM 9 months ago


MANILA, Philippines –Natanggap na  ng  Philippine Sports Commission (PSC) ang tugon ng  Commission on Elections (COMELEC) mula sa kanilang kahilingan na payagan ang mga 2022 Southeast Asian Games (SEA Games) bound athletes, coaches, at delegates na makaboto sa ilalim ng  Local Absentee Voting provision para sa 2022 National Elections.

Humingi ng paumanhin ang COMELEC na hindi nila mapagbibigyan ang proposal ng PSC ayon sa Omnibus Election Code, Executive Order no. 157, Republic Acts 7166 at 10380 at COMELEC Resolution No. 10725 na nagsasaad na tanging apat na personel mula sa apat na grupo ang maaring makalahok sa  local absentee voting.

Sang-ayon lamang ang prebilehiyo para sa mga government officials at mga empleyado, miyembro ng  Philippine National Police, miyembro ng Armed Forces of the Philippines  na nakatalaga sa mga lugar kung saan sila hindi nakarehistro.  Maging ang mga miyembro ng media na kumokober o kumukuha ng ulat sa eleksiyon ay pwede sa absentee voting.

Sang-ayon sa liham ng Comelec, ang mga atleta,  coaches at delegates ay hindi bahagi ng nabanggit na grupo na akmang nagsasagawa ng tungkulin sa eleksiyon. Ikinalungkot man ito ng PSC Board, nirespeto nila ang atas ng Comelec.

Tanging ang mga national athletes na bahagi ng  military personnel o kasama sa iba pang kategoryang nabanggit ay maaring magparehistro sa  Local Absentee Voting.JC/Rico Navarro