PH target sumabak sa 2024 World Kendo Championship

PH target sumabak sa 2024 World Kendo Championship

November 9, 2022 @ 2:11 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kumpiyansa  ang United Kendo Federation of the Philippines (UKFP) na magiging matagumpay ang pagtatanghal ng kanilang opisyal na promotional exams ngayong weekend na magiging una mula nang mabigyan ng sanction ng International Kendo Federation.

Sinabi ni UKFP president Kristopher Inting,  ito ang magiging daan para sa iba pang national events gaya ng pagpapatuloy ng Philippine National Kendo Tournament na maaaring humantong sa pagbuo ng isang kendo national team na sasabak sa 2024 World Kendo Championship.

“We’ve been doing the Philippine national kendo tournament in the previous years. Pero siyempre pinahinto ng COVID saglit. Sana next year, ma-resume na natin ang tournament,” ani Inting,

“Sana makapag-scout tayo ng national team para makalaban tayo sa World Kendo Championship sa 2024,” dagdag pa nito.

Ang Kendo ay isang Japanese martial art sa sword fighting na gumagamit ng bamboo swords (shinai) pati na rin ang protective armor (bōgu). Ang Kendoka ay nakikipag-away sa isa’t isa gamit ang mga espadang kawayan at damit na pang-proteksyon.

Para sa event ngayong weekend, ang UKFP ay tututok sa “shinsa”, na siyang opisyal na grading ng pagsasanay ng kendokas sa Pilipinas.

Mahigit 100 aspirants ang inaasahang lalahok sa event kung saan 77 ang naglalayong makakuha ng kyu ranks, na katumbas ng colored belts sa iba pang martial arts. Dalawampu’t walong iba pa ang tatarget upang makakuha ng mga ranggo ng dan, katumbas ng black belt degrees sa iba pang martial arts.

Magaganap ang grading sa Linggo, Nob. 13, sa Upper Deck Sports Center sa Pasig City, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

“Napakahalaga para sa amin dahil ito ang aming magiging unang opisyal na grading sa bansa,” ani Inting. “Dati, kailangan naming pumunta sa labas ng bansa para makakuha ng official grade. Pumupunta kami dati sa Hong Kong, Indonesia, Malaysia o Thailand para lang mag-grade.”

Sinabi ni Inting na ang kendo ay unang ginawa sa Pilipinas noong 1990s nang dalhin ito ng mga Japanese expat sa mga lokal na baybayin. Isang opisyal na club ang itinatag noong 1996 at kalaunan ay lumago ito sa 9 na kendo club sa buong Pilipinas.JC